Home NATIONWIDE Kandidato sa Batangas inisyuhan din ng show cause order

Kandidato sa Batangas inisyuhan din ng show cause order

MANILA, Philippines – Inisyuhan na ng show cause order ang bise alkalde ng Mataas na Kahoy, Batangas dahil sa naging pahayag nito laban kay Vilma Santos na kanyang katunggali.

Si Vice Mayor Jay Ilagan na tumatakbong gobernador ng Batangas ay binibigyan lamang ng Commission on Elections ng tatlong araw para makapagpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa ng komisyon.

Ang show cause order laban kay Ilagan ay kasunod ng kanyang naging pahayag sa isang campaign rally noong Marso 29 kung saan sinabi nito na hindi siya natatakot na makalaban si Santos dahil ito ay laos na.

Sinabi rin ni Ilagan na marami-rami sa mga tagahanga ni Vilma Santos ay namamahinga na at ang iba ay nay edad na.

Ang naturang pahayag ng kandidato ay maituturing na paglabag sa Comelec Resolution No. 11116 o ang ANTI-DISCRIMINATION AND FAIR CAMPAIGNING, ayon sa komisyon.

Sinabi ng Comelec na posibleng masampahan ng election offense at humantong sa disqualification ngayong halalan si Ilagan kung hindi makakapagpaliwanag. Jocelyn Tabangcura-Domenden