Home NATIONWIDE Kanlaon nagbuga ng 10K tons ng sulfur dioxide flux

Kanlaon nagbuga ng 10K tons ng sulfur dioxide flux

MANILA, Philippines – Nagbuga ang Bulkang Kanlaon ng aabot sa 10,880 tonelada ng sulfur dioxide gas at nakapagtala ng 17 volcanic earthquakes nitong Huwebes, Setyembre 12, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Biyernes.

Mas mababa ito kumpara sa 11,556 tons ng sulfur dioxide emissions at 79 volcanic earthquakes na naunang naitala.

Sa kabila nito, nananatiling namamaga ang lupa ng bulkan.

Samantala, sa abiso Miyerkules ng gabi, sinabi ng PHIVOLCS na iniulat ang sulfuric fumes sa mga sumusunod na barangay:

Barangay San Miguel sa La Carlota City
Barangay Pula sa Canlaon City
Barangay Codcod sa San Carlos City
Barangay Inolingan sa Moises Padilla

“Prolonged exposure to volcanic SO2, especially of communities within direct reach of accumulation from plumes during low wind conditions, can cause irritation of the eyes, throat, and respiratory tract,” babala ng PHIVOLCS.

“People who may be particularly sensitive are those with health conditions such as asthma, lung disease and heart disease, the elderly, pregnant women and children,” dagdag pa.

Dahil dito, inabisuhan ng ahensya ang mga apektadong residente na takpan ang kanilang bibig at ilong ng basang tuwalya o kaya face mask.

Nauna nang ibinabala ni PHIVOLCS chief Teresito Bacolcol na posible ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon dahil sa serye ng mga volcanic earthquake.

Nananatili ang Alert Level 2 na babala sa bulkan na nangangahulugan ng ‘increased unrest.’

Sa ilalim ng Alert Level 2, ipinagbabawal ang pagpasok sa four-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ). RNT/JGC