Home NATIONWIDE PBBM may pa-birthday: Hospital bills ng mga pasyente sa gov’t hospitals, sasagutin!

PBBM may pa-birthday: Hospital bills ng mga pasyente sa gov’t hospitals, sasagutin!

MANILA, Philippines – NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na babayaran nito ang hospital bills ng mga pasyenteng naka-confine at sumasailalim sa treatment sa pamamagitan ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” program.

Ito ang magsisilbing birthday gift ni Pangulong Marcos sa mga naturang pasyente. Ang Pangulo ay nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw ng Biyernes, Setyembre 13.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa paglulunsad ng “Agri-Puhunan at Pantawid Program” sa Guimba, Nueva Ecija, sinabi ni Pangulong Marcos na nais ng pamahalaan na balikatan o sagutin ang medical needs ng mga tao na naka-confined at sumasailalim sa treatment sa mga pampublikong ospital.

“Kaya po sa araw na ito, sasagutin po natin ang lahat ng bayarin ng mga pasyente sa lahat ng pampublikong Level 3 hospital sa bansa katulad ng Dr. Paulino Garcia Memorial Hospital dito sa inyo,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, nakatanggap ng hiyawan at malakas na palakpakan mula sa mga residente ng Guimba.

At para matupad ang mga pangako ng Pangulo, nakatakdang ipalabas ng Department of Health (DOH) ang P328 million sa 22 tertiary hospitals sa iba’t ibang bansa para bayaran ang medical expenses ng mga pasyente na naka-confined at sumasailalim sa treatment.

Ang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” program ay inilunsad, araw ng Biyernes. Nagkaroon ng sabay-sabay na distribusyon ng tulong at probisyon ng government services sa 82 lalawigan sa bansa.

Layon nito na bigyang kapangyarihan ang mga mamamayang Filipino na paghusayin ang kanilang buhay sa pamamagitan ng ‘starter programs, training, at assistance; gawin na mas accessible ang government services at mas malapit sa mga mamamayang filipino, at work hand-in-hand tungo sa Bagong Pilipinas.

Ang mga ahensiya ng pamahalaan na magbibigay ng serbisyo ay ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at ang Department of Trade and Industry (DTI).

Kasali rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa nasabing programa. Kris Jose