Home OPINION KAPAKANAN NG NCRPO COPS, MAHALAGA KAY RD TATENG

KAPAKANAN NG NCRPO COPS, MAHALAGA KAY RD TATENG

HINDI nagdadalawang-isip itong regional director ng National Capital Region Police Office na si P/MGen Jose Melencio Nartatez Jr., kapag kapakanan at moral ng kanyang mga tauhan ang nakasalalay at pinag-uusapan.

Kaya naman, madalas ay paalalahanan nitong si Nartatez, mas kilala ng nakararami sa palayaw na “Tateng”, ang kanyang mga tauhan na maging masigasig sa pagtupad sa nakatalagang gawain, tungkulin at responsibilidad sa kanilang balikat sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila.

Sa kaalaman ng lahat, mahalaga sa pamunuan ng NCRPO sa ilalim  ni Nartatez ang pagtataas ng moral ng mga pulis kung kaya naman patuloy ang pagbibigay nito ng merito sa mga tauhang patuloy na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa komunidad, mamamayan at bansa.

Gayunman, binalaan ng regional director ang mga pulis na gumagawa ng hindi Maganda. Wala aniyang puwang sa kanyang pamunuan ang mga police na scalawag at mahigpit niyang babantayan ang mga ito.

Sakaling magkamali, hindi niya bibigyan pa ng pagkakataon na muling magkamali o gumawa ng hindi mabuti.

Kaya naman, tuwing Lunes, nagbibigay ito ng parangal sa mga pulis na gumaganap sa kanilang tungkulin at nagseserbisyo sa mamamayan at pamayanan.

Kahapon, sa Monday Flag Raising Ceremony sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, mismong si Nartatez ang nagsabit ng “Medalya ng Kagalingan” kina P/Capt. Marlou Bassig Andal, ng Drug Enforcement Unit ng Marikina City Police Station -Eastern Police District; PSMS Rojil Gutierrez Lopez, ng DEU-NCRPO; PCpl. Paulo Jay Anicas Navarro, ng Anonas Police Station- Quezon City Police District; PCpl. Jemuel Tutor Pule, DEU-Caloocan City Police Station- Northern Police District at PCpl Richard Oavenga Fabul, DEU, Southern Police District.

Kung madali lang para kay RD Tateng ang magbigay ng parangal sa kanyang mga nasasakupan dahil nauunawaan niya na buwis-buhay ang ginagawa ng mga ito sa araw-araw na paglabas  nila ng kanilang bahay, madali rin naman para sa kanya ang maglatag ng parusa sa mga pulis na nagbibigay dungis sa unipormeng kanilang suot sa trabaho at sa tsapang kanilang dapat na alagaan at pakaingatan.

Kaya naman halos limang porsyento ng mga pulis ng NCRPO na naglagay ng batik sa kanilang organisasyon ay nilapatan ng parusa nitong si Nartatez.