Home NATIONWIDE Kapalaran ni Li Duan Wang sa kanyang PH citizenship bubusisiin ng Malakanyang

Kapalaran ni Li Duan Wang sa kanyang PH citizenship bubusisiin ng Malakanyang

MANILA, Philippines- Pag-aaralan pang mabuti ng Malakanyang kung aaprubahan o hindi ang Filipino citizenship ni Li Duan Wang, ang Chinese national na nakalusot na sa Kamara at Senado ang panukalang batas para igawad ang Filipino naturalization nito.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi pa nakarating sa Malakanyang ang enrolled bill para sa Filipino citizenship ni Li Duan Wang.

Subalit sa sandaling matanggap ng Office of the President ay pag-aaralan itong mabuti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kaya makabubuti aniyang hintayin na lamang muna kung ano ang magiging kapasyahan ni Pangulong Marcos – kung ibe-veto ito o pipirmahan ang enrolled bill para maibigay ang certificate of naturalization ng Chinese national.

“Pangako po ng Pangulo ay aaralin ito ng mabuti bago pirmahan or kung ito man ay mabi-veto. So hintayin po natin ang kanyang aksiyon,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, hayagang tinutulan ni Senador Risa Hontiveros na mabigyan ng naturalization si Li Duan Wang dahil mayroon umanong red flag sa pagkatao ng dayuhan.

Si Wang ay iniuugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kaya ito tinutulan ng senadora. Kris Jose