Home NATIONWIDE Malakanyang nagbabala vs paggamit ng emergency alert system para sa political campaigns

Malakanyang nagbabala vs paggamit ng emergency alert system para sa political campaigns

MANILA, Philippines- Nagbabala ang Malakanyang laban sa paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) para sa political campaigning.

Reaksyon ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa report na ang ECBS ay ginagamit ng ‘unnamed local candidate’ para sa May 12 elections na i-transmit ang emergency alerts sa mga residente na kasama ang kanyang pangalan.

Sa press briefing sa Malakanyang, binigyang-diin ni Castro na ang ECBS ay dapat na gamitin “strictly for emergencies.”

“Huwag po sanang abusuhin itong emergency cell broadcast system dahil ito po, ‘pag sinabi pong emergency ay dapat pang-emergency lamang po,” ang sinabi ni Usec. Castro.

Ang ECBS ay mahalagang communication tool na ginagamit ng gobyerno para magpalabas ng mahalagang public safety at life-saving notifications sa panahon ng natural disasters, security threats, at iba pang emergencies.

Ang sistema ay ‘closely coordinated’ sa Department of Information and Communications Technology (DICT) atNational Telecommunications Commission (NTC).

Binigyang-diin ni Castro na ang anumang unauthorized use ng sistema ay ‘grave violation’ ng public trust.

“Hindi po ‘to dapat inaabuso ng sinuman para sa pansariling kapakanan,” giit pa niya.

Samantala, sinabi ni Castro na iniimbestigahan na ng DICT at NTC ang umano’y maling paggamit ng ECBS.

Tinuran pa rin niya na gumagawa na ng legal na hakbang ang pamahalaan laban sa anumang indibidwal o grupong natuklasan na guilty ng paggamit ng ECBS para sa non-emergency purposes. Kris Jose