BANGUED, Abra — Binawian na ng buhay ang isang barangay kapitan at ang kanyang pamangkin, habang sugatan naman ang kanyang misis na isang Sangguniang Bayan member at isa pang lalaki na kasamahan sa convoy, matapos silang tambangan at pagbabarilin sa bahagi ng Calaba Bridge dito sa Bangued, Abra pasado alas-6:00 ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Barangay Captain Ezequiel Parado, 35 anyos, ng Barangay Collago, Lagayan, Abra, at ang kanyang pamangkin na si Arline Doria, na residente rin sa nasabing lugar.
Habang sugatan naman ang kanyang misis na si Sangguniang Bayan member Ailyn Parado ng Lagayan, Abra, at isa pa nilang kasamahang lalaki na kasama sa convoy na kasalukuyang nagpapagaling sa isang pagamutan.
Tinamaan sa dibdib ang barangay kapitan habang sa ulo naman tinamaan ang kanyang pamangkin. Hindi pa mabatid ang uri ng baril na ginamit ng mga suspek na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Ayon kay SB member Parado, habang binabagtas nila ang naturang bahagi ng tulay ay bigla silang pinagbabaril, pati ang kanilang convoy, ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek na sakay ng isang sasakyan.
Wala umanong natatanggap na pagbabanta ang kanyang asawa dahil isa itong mabait na barangay opisyal na nasa pangalawang termino na bilang kapitan.
Sa ngayon ay sumisigaw ng katarungan si SB member Parado upang mabigyan ng hustisya ang pananambang sa kanyang mister at pamangkin.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pananambang na ikinasawi ng barangay kapitan at ng kanyang pamangkin. Rey Velasco