MANILA, Philippines- Inaasahang tataas ang kaso ng leptospirosis sa susunod na dalawang blinggo kasunod ng matinding paghagupit ni ‘Kristine,’ sinabi ng Department of Health (DOH).
Inihayag ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na ang bilang ng leptospirosis data ay bumaba na bago manalasa si Kristine ngunit maaari itong tumalon ulit sa susunod na mga araw dahil maraming tao ang nalantad sa mga baha.
Nanawagan naman si Domingo sa mga indibidwal na lumusong sa baha na agad magtungo sa health centers o kumonsulta sa doktor sa evacuation centers upang malaman kung kailangan nilang uminom ng antibiotics tulad ng doxycycline.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha ng mga hayop tulad ng rodents. Ang ihi mula sa mga nahawaang daga ay maaaring humalo sa tubig-baha sa panahon ng malakas na pag-ulan, at samakatuwid ay maaaring makapasok sa katawan ng tao na tumatawid sa baha.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pagsusuka, pagduduwal, pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo.
Ang incubation period ng leptospirosis ay mula dalawa hanggang 30 araw kung saan kadalasan ay nagpapakita ng sintomas isa hanggang dalawang linggo matapos malantad sa kontaminadong tubig-baha. Jocelyn Tabangcura-Domenden