MULING naging sentro ng diskusyon ang usapin ng piyansa matapos mabanggit ang kaso ni Senador Jinggoy Estrada at ang posibilidad na makapagpiyansa ang isang opisyal na nahaharap sa kasong plunder.
Sa mata ng marami, tila awtomatikong katumbas ng “walang piyansa” ang plunder. Ngunit ayon sa mga ligal na eksperto, hindi ganoon kasimple ang itinatadhana ng batas.
Mahalagang linawin na hindi nakasaad sa Saligang Batas na awtomatikong hindi maaaring makapagpiyansa ang sinomang nasasakdal sa plunder.
Ang nakasaad sa Bill of Rights, section 13, “ALL PERSONS, EXCEPT THOSE CHARGED WITH OFFENSES PUNISHABLE BY RECLUSION PERPETUA, WHEN THE EVIDENCE OF GUILT IS STRONG SHALL BEFORE CONVICTION BE BAILABLE BY SUFFICIENT SURETIES, OR BE RELEASED ON RECOGNIZANCE AS MAY BE PROVIDED BY LAW.”
Ibig sabihin, ang mga akusadong nahaharap sa kasong may parusang reclusion perpetua ay maaari pa ring makapagpiyansa bago mahatulan kung hindi mapatunayan ng prosekusyon na malakas ang ebidensya ng kanilang pagkakasala.
Sa praktikalidad, kapag nagsampa ang Ombudsman ng kasong plunder, karaniwang may rekomendasyong “no bail.” Ngunit rekomendasyon lamang ito at hindi pinal na pasya. May karapatan ang akusado na magsumite ng petition for bail.
Sa pagdinig nito, tungkulin ng prosekusyon na patunayan sa hukuman na matibay ang kanilang ebidensya. Kapag nabigo silang gawin ito, maaaring pagkalooban ng hukuman ng pansamantalang kalayaan ang akusado sa pamamagitan ng piyansa.
Dito madalas nagkakaroon ng kalituhan ang publiko. Ang usapin ng piyansa ay hindi agad pagsukat kung INOSENTE o GUILTY ang isang tao. Ito ay bahagi ng karapatang ginagarantiyahan ng batas habang hindi pa natatapos ang paglilitis. Kasama rin sa konsiderasyon ng hukuman kung ang akusado ay isang “flight risk” o may posibilidad na tumakas upang maiwasan ang proseso ng hustisya.
Gayunman, dapat ding tandaan na ang ligal na karapatan ay hindi dapat maging daan upang mawala ang pananagutan. Ang tunay na sukatan ng katarungan ay hindi kung nakapagpiyansa o hindi ang isang akusado, kundi kung patas, mabilis, at walang kinikilingang naisasagawa ang paglilitis.
Sa huli, ang tanong ay hindi lamang kung maaaring makapagpiyansa ang nahaharap sa kasong plunder. Ang mas mahalagang tanong ay kung sapat at matibay ba ang ebidensiyang ihaharap upang mapanagot ang sinomang mapatutunayang nagkasala, gaano man siya kataas sa pwesto o kalakas sa pulitika. Ang batas ay dapat manaig hindi sa ingay ng opinyon, kundi sa lakas ng katotohanan at ebidensya.






