NANATILI pa ring 13 ang mayorya at 11 ang minorya sa Senado.
Bagaman nakakulong si Senador Jinggoy Estrada, hindi pa siya nalilitis at malayo pa bago siya mahatulang guilty o inosente sa mga akusasyong ibinabato laban sa kanya.
Sa kaso ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, dinedesisyunan pa ng Supreme Court ang validity o ligalidad ng warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court laban sa kanya at wala ring paglilitis laban sa kanya.
Sa madaling salita, hindi sila tanggal sa pwesto, nananatili pa silang senador at bahagi ng numero sa Senado na bumubuo ng mayorya.
Sa ibang salita, hindi dapat manaig ang minorya nina ex-Senate President Tito Sotto sa bilang nilang 11 habang tinitipa ito sa anomang usapin na may kontrobersya.
Kaugnay nito, mga brad, nakasalang sa Huwebes ang pagdinig o imbestigasyon sa P1.3-P1.7 trilyong flood control program na maanomalya.
Hindi dapat maapektuan o matigil ito dahil lamang sa bilang na onse-onse o 11-11 ng mayorya at minorya ngayon kung pag-uusapan ang pagdalo sa sesyon.
Dapat itong ituloy lalo’t patakaran naman ng Senado na kahit magkaroon ng pagtigil ng sesyon ng Senado o buong Kongreso sa Hunyo 6 hanggang Hulyo 6, 2026.
Ang katotohanan sa katiwalian sa nasabing programa ang hinahanap ng taumbayan ngayon na malaman upang magkaroon ng katarungan at pananagutan.
Naipadala na ang mga imbitasyon sa 18 Marines at sundalo, ilang dati at kasalukuyang opisyal kagaya ng maglolong Lucas at Adrian Bersamin at iba pa upang magbigay-linaw sa katiwaliang kinasasangkutan ng Palasyo at Kongreso.
Kung haharangin ng minorya nina Sotto ang imbestigasyon, napakalaking paglapastangan ‘yan sa interes ng taumbayan na namamatay, naghihirap at nawawalan ng kinabukasan dahil sa pinakamalaking kikbakan sa kasaysayan ng bansa.
Kung may panghaharang, saan kaya tayo pupulutin bilang isang bayan?






