MANILA, Philippines – Abiso sa mga motorista na gumagamit ng southbound lane ng Katipunan Avenue sa Quezon City na maaari silang dumaan sa zipper lane tuwing rush hour sa umaga simula Lunes, Oktubre 2, 2023.
Inanunsyo ng Quezon City Government na bukas ang zipper lane sa mga motorista mula 6:30 a.m. hanggang 8 a.m. tuwing weekdays, maliban sa holidays.
Magiging dry run ang zipper lane, na ipatutupad ng Quezon City local government unit at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Layunin nitong bawasan ang dami ng mga sasakyang gumagamit ng southbound lane ng Katipunan Avenue sa harap ng Miriam College, sinabi ng LGU sa isang post sa Facebook.
Maaaring pumasok ang mga motorista sa zipper lane sa U-turn slot sa harap ng UP Town Center-Mercury Drug.
Ang zipper lane ay may dalawang labasan: ang isa ay nasa harap ng La Vista Subdivision gate sa Mangyan Street papunta sa Miriam College Gates 5 at 6; habang ang isa naman ay nasa harap ng Miriam College Gate 3 sa Katipunan Avenue.
Magpapakalat ang LGU at MMDA ng mga traffic enforcer at maglalagay ng mga traffic directional signage para gabayan ang mga motorista. RNT