MANILA, Philippines – Pinalutang ng isang mambabatas ang pagpapataw ng economic sanctions o parusang pang-ekonomiya sa Tsina kasunod ng mga panggigipit nito sa West Philippines Sea at ang hakbang ng Kongreso na pag-realign ng mga confidential at intelligence fund sa mga ahensyang nakatutok sa pangangalaga ng depensa at seguridad ng bansa.
Sinabi ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na mahirap i-audit kung paano gagamitin ng mga ahensya ang confidential at intelligence funds.
Kaya naman isa sa mungkahi niya ang makisali sa “calibrated” na economic sanctions ng ibang mga bansa laban sa Tsina.
“No amount of confidential fund can tame a bully. No amount of confidential funds can solve the issue of Chinese existence and occupancy of Philippine territories in the West Philippine Sea as awarded by the Arbitral Tribunal,” ani Lagman sa TeleRadyo Serbisyo.
“Huwag natin ibuhos lahat sa mga ahensyang may kinalaman sa West Philippine Sea,” dagdag pa ng mambabatas.
Binanggit ng mambabatas na ang mga pag-uusap sa diplomasya ay “hindi uunlad” laban sa Beijing, lalo na sa kanilang matagal na presensya sa West Philippine Sea.
“Kailangan mayroon tayong ibang mapayapang paraan. We should implement a calibrated economic sanctions against China, together with countries na masyadong marami, like the G7 countries, like Australia, India, and the members of the European Union,” ani Lagmn.
“Kailangan nating gawin. These economic sanctions will fall hard on China because mayroon silang tinatawag na economic meltdown,” dagdag pa niya.
Ang China ang pangalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo ayon sa gross domestic product ngunit napapansin ng mga analyst ang mga palatandaan ng paghina, lalo na sa sektor ng real estate. RNT