Home METRO Kawatan ng panabong na manok patay sa pulis

Kawatan ng panabong na manok patay sa pulis

Image Representation Only

TARLAC CITY-  Patay ang isang lalaki na kawatan ng panabong na manok habang sugatan ang dalawa nitong kasama matapos umanong makipagbarilan sa pulis na kanilang ninakawan, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Agad na nasawi ang isa sa mga suspek habang sugatan ang dalawa nitong kasama na pawang mga hindi pinangalanan.

Batay sa report ng Tarlac City Police, madaling-araw noong Martes, Abril 22, 2025 pinasok ng mga suspek ang bahay ng pulis sa Zone 3 Barangay Care, ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagising ang pulis sa mga kahol ng kanyang alagang aso kaya inalam nito ang nangyayari sa labas ng bahay.

Dito, nakita niya ang mga suspek na tangay ang 11 panabong niyang manok at sumakay sa tricycle saka mabilis na tumakas.

Nagawa pang tawagin ng pulis ang mga suspek subalit pinaputukan umano siya ng baril dahilan para bumalik ito ng kanyang bahay at kinuha ang baril saka hinabol ang mga suspek.

Inabutan ng pulis ang mga suspek sa kahabaan ng Aquino boulevard sakop ng Barangay Carangian at nagkaroon ng palitan ng putok ng baril.

Tinamaan ang isa sa mga suspek na nagresulta sa agarang pagkamatay nito habang dalawa ang sugatan at nadakip ang mga ito at patuloy naman tinutugis ang isang nakatakas.

Narekober naman sa tricycle na ginamit ng mga suspek ang .38 kalibre na baril at 11 manok na aabot sa halagang P132,000.

Depensa ng pulis, self-defense ang kanyang ginawa.

Patuloy naman ang ginawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico