MANILA, Philippines- Sinaksak ng isang lalaki gamit ang screwdriver ang isang 12-anyos na biktima habang nakapila para humingi ng tulong sa isang TV network sa kahabaan ng Reliance Street sa Mandaluyong City nitong Martes ng umaga.
Sinabi ng Mandaluyong City Police na naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw.
Base sa mga saksi, bigla na lamang hinablot ng suspek ang cellphone ng babae at sinaksak ito bago tumakas.
Nasa maayos na kondisyon na ang biktima matapos maisugod sa ospital.
Nahuli ng mga pulis ang suspek na nagtatago sa loob ng basement parking lot ng compound ng TV station bandang alas-7 ng umaga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakita ang suspek na ilang araw umaaligid malapit sa pinangyarihan ng krimen. Tumanggi siyang makipag-usap sa media kasunod ng pagkakaaresto sa kanya. RNT/SA