MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang matagal nang hinanakit ng magkapatid matapos bugbugin ng lasing na kapatid ang kanyang nakatatandang kapatid sa loob ng bahay nito sa Liloan, Cebu madaling-araw ng Biyernes, Setyembre 12.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Emilito, 59, na pumasok umano sa tahanan ng kanyang kapatid na si alyas Reynaldo, 60, sa Purok Miracle Fruit, Barangay Yati bandang 1:30 a.m.
Ayon kay Police Executive Master Sergeant Eutiquio L. Prosia Jr., inamin ng suspek na matagal na niyang kinikimkim ang galit mula pa noong sila’y bata.
Base sa imbestigasyon, bigla na lamang umanong pinagsusuntok at pinagsisipa ng suspek ang biktima hanggang bumagsak ito sa sahig na semento at tumama ang ulo sa bakal. Nagtamo si Reynaldo ng sugat sa kilay at iba’t ibang pasa sa katawan.
Agad siyang dinala sa Danao District Hospital para sa gamutan, habang ang suspek ay nadakip at kasalukuyang nakakulong sa Liloan Police Station.
Patuloy na hinihintay ng awtoridad ang medical certificate ng biktima upang matukoy kung isasampa ang kasong serious o light physical injuries laban sa suspek. RNT/JGC