Home METRO Kelot kinatay ng kaanak sa tuba

Kelot kinatay ng kaanak sa tuba

CEBU CITY- HINDI inakala ng isang kelot na ang ginawa nitong pangungutya sa ‘tuba’ (alak mula sa niyog) na kanilang iniinom ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos itong pagtatagain ng kaanak na kanyang kainuman, noong Miyerkules sa bayan ng Ronda.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Ryan Talatala Sardañas, 39, habang nadakip naman ang suspek at kaanak nitong si Feliciano Ortez Birondo, 56, kapwa residente ng Barangay Malalay, Ronda, Cebu.

Ayon kay Police Captain Jec Seares, hepe ng Ronda Municipal Police Station, bandang 6:45 PM ng maganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen nag-iinuman ang biktima at suspek ng tuba na mismong ang suspek ang kumuha sa puno ng niyog nito.

Habang nasa kalagitnaan ng inuman, kinutya umano ng biktima ang suspek na hindi masarap ang tuba nito dahil may halong tubig-ulan.

Paulit-ulit na binanggit ng biktima na hindi masarap ang tuba na ikinapikon ng suspek kaya agad nitong kinuha ang itak na 17-pulgada ang haba at pinagtataga ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nagtamo ng 22 tama sa katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sumuko naman ang suspek sa pulisya na ngayon ay nahaharap sa kasong murder. Mary Anne Sapico