MANILA, Philippines- Arestado ang isang lalaki dahil sa umano’y paghingi ng tig-P350,000 mula sa mga aplikante para sa siguradong slot sa Philippine Coast Guard (PCG), ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Linggo.
Nadakip ng CIDG Detective Special Operations Unit at PCG Intelligence Division operatives ang suspek na kinilalang si alyas “Morris,” sa isang entrapment sa kahabaan ng P. Campa Street corner España Boulevard, Manila noong May 22.
Nahuli ang suspek sa aktong pagtanggap ng pera mula sa PCG applicants, ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III sa isang news release.
Batay sa mga aplikante, nagpakilala si Morris na may koneksyon at impluwensya umano sa PCG.
Kinasuhan ang suspek sa National Prosecution Service sa paglabag sa Article 315 (estafa/swindling) ng Revised Penal Code sa pagpapanggap na may impluwensya siya upang tulungang makapasok ang mga aplikante sa PCG.
Sinabi ni Torre na ang pag-aresto “prevented and solved future scams and fraud and saved the unsuspecting applicants from giving their family’s hard-earned money to the swindler.”
“Let us capture more of these criminals who take advantage, exploit and victimize applicants,” pahayag niya.
Pinaalalahanan niya ang mga aplikante na direktang mag-apply sa kaukulang government agencies. RNT/SA