MANILA, Philippines – NASAKOTE ang isang lalaki na wanted sa kasong murder sa Lungsod ng Valenzuela sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa probinsya ng Leyte.
Sa kanyang report Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng 27-anyos na lalaking akusado na residente ng Samar.
Kaagad inatasan ni Col. Cayaban ang Station Intelligence Section (SIS) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa akusado na nakatala bilang Top 2 Most Wanted Person sa Lungsod ng Valenzuela.
Katuwang ang mga tauhan ng RID PRO8, 801st at 805th RMFB-8, isinilbi ng mga operatiba ng Valenzuela Police SIS sa akusado ang warrant of arrest dakong alas-10:15 ng umaga sa Barangay Campitec, Palo Leyte.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang bitbitin ng mga tauhan ni Col. Cayaban sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Evangeline Mendoza-Francisco ng Regional Trial Court Branch 270, Valenzuela City na may petsang December 22, 2020, para sa kasong Murder.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. Rene Manahan