ILOCOS SUR- Dead on the spot ang isang 43-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin ng kanyang pinsan sa Brgy. Patong, Magsingal ng lalawigang ito kaninang umaga.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima at ang 33-anyos na suspek ay parehong residente ng naturang lugar.
Papunta sa kanyang babuyan ang biktima para pakainin ang kanyang mga alagang baboy nang pagbabarilin ng suspek.
Agad na tumakas ang suspek matapos nitong pagbabarilin ang biktima.
Narekober sa crime scene ang sampung fired cartridges ng cal. 5.56 na baril.
Nagsasagawa ngayon ng hot pursuit operation ang mga otoridad para mahuli ang suspek.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen. Rolando S. Gamoso