MANILA, Philippines- Naaresto ng mga awtoridad ang isang 28-anyos na suspek at nakumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P30.6 milyon sa isang joint anti-drug operation na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Mandaue City, Cebu.
Kinilala ng PDEA nitong Linggo ang suspek na si “Kent,” residente ng Barangay Pasil, Cebu City.
Nadakip siya sa isang buy-bust sa Logarta Street, Subangdaku, Mandaue City, ng alas-7:38 ng gabi noong Biyernes.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakasamsam ng siyam na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na tinatayang 4.5 kilo, at estimated street value na P30.6 milyon.
Itinurn-over na ang nakumpiskang droga sa PNP Regional Forensic Unit para sachemical analysis.
Nakaditine ang suspek sa Mandaue City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act. RNT/SA