Home METRO Kelot utas sa suwag ng bus

Kelot utas sa suwag ng bus

ILOCOS SUR-Kamatayan ang sinapit ng isang 48-anyos na lalaki matapos siyang mabangga ng isang bus sa Brgy. Oaig Daya, Candon City ng lalawigang ito kagabi, Oktubre 23.

Kinilala ng Candon City Police Station ang pedestrian na si Ador Revero y Domingo, 48, may asawa, construction worker, residente ng Brgy. Poblacion, Luba, Abra.

Ayon sa mga otoridad, ang Higer Truck Florida Bus na nakabangga sa pedestrian ay minamaneho ng 50-anyos na driver, may asawa, residente ng Brgy. San Jose, Sarrat, Ilocos Norte.

Base sa pahayag ng isang saksi na nakausap ng mga otoridad, ang naturang bus ay bumibiyahe papuntang hilagang direksyon sa national highway sa naturang lugar.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, ang pedestrian ay biglang tumawid sa highway kaya nabangga ito ng naturang bus.

Resulta nito, ang pedestrian ay nagtamo ng severe injury at agad itong isinugod sa Candon City Hospital.

Gayunman, ang pedestrian ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.

Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver at ang konduktor ng bus pati na rin ang mga pasahero nila. Rolando S. Gamoso