Home OPINION MAULANG BAGYO AT MARUMING PULITIKA

MAULANG BAGYO AT MARUMING PULITIKA

163
0

HETO na naman tayo sa gitna ng mapaminsalang bagyo.

Habang tinitipa ito, wala pa namang naiuulat na nasawi at missing.

Pero marami nang ari-arian ng mga mamamayan at gobyerno ang nasira sa baha at landslide.

MAHINA PERO MATINDI

Mahina ang bagyong Kristine dahil nasa ilalim lamang ng signal number 2 pero grabe ang idinulot nitong ulan, una sa Kabikolan at kahapon, sa northern Luzon.

Para sa mga taga-Bicol, ngayon lang nila naranasan ang grabeng ulan makalipas ang nasa 50 taon.

Ang lakas ng ulan naman sa northern Luzon ay napakalakas din at kakaiba, ayon sa mga residente sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Ilocos Region na tinamaan ng bagyong patungong Vietnam.

Kung may mga bahay na lumubog sa Kabikulan, gayundin ang nangyari sa ilang lugar sa northern Luzon.

Matindi talaga ang bagyong ito dahil sa mga lugar na inabot ng laylayan nito, gaya ng Cebu, Samar at iba pang bahagi ng Kabisayaan, tinamaan din sila ng malalakas na ulan na nagdulot ng mga grabeng pagbaha.

Mahigit 24 lugar ang tinamaan ng mahinang bagyo na may malakas na ulan.

PAHINGA SA PULITIKA

Sa gitna ng mga pangyayari kaugnay ng mapaminsalang bagyo na ikinadeklara na ng state of calamity, dapat na magpahinga ang mapanirang pulitika sa bayan.

Dagdag lang na pabigat ng mga mamamayan ang mga siraan sa pulitika sa hindi magandang kalagayan ng mahigit kalahati ng bansa na pinipinsala ng bagyo, ulan, baha at landslide.

Lalo na at pinaniniwalaan ng maraming mamamayan na higit na pamumulitika para sa interes lang ng mga politiko at hindi sa ikabubuti ng buong bayan ang kunwaring paglalabas ng mga nakasisirang katotohanan laban sa isa’t isa at nakaugnay na halalang 2025 at 2028.

Dapat na higit na nakatuon ang pansin ng mga lider at politiko sa pagsagip sa kamatayan, kahirapan, gutom at kawalan ng mga biktima ng kalamidad.

Dapat ding hindi mababahiran ng pamumulitika ang gawaing pagsagip at pagtulong sa oras ng kalamidad.

Dito masusukat ang pulitika kung tunay o hindi at hindi sa siraan sa isa’t isa.

KONTRA-BAHA MULING PANSININ

Hindi lang ang matinding ulan na dulot ng climate change ang dapat na pinag-uusapan ngayon.

Dapat kalkalin ang iba pang mga dahilan ng matitinding pagbaha sa mga oras ng ulan.

Halimbawa, paano muling tamnan ng mga puno ang mga kabundukang kinalbo ng mga politikong ligal at illegal logger mula Luzon hanggang sa Kabisayaan at Mindanao?

Dahil kalbo na ang mga kabundukan, wala nang punong sumisipsip sa mga tubig-ulan kaya dire-diretso ang tubig-ulan bilang maputik na baha patungo sa mga mamamabang lugar na tirahan, taniman, gawaan at iba pa ng mga mamamayan.

O paano?

O kilos na at hindi magpalubog sa baha at magpasailalim sa landslide ng maruming pulitika sa oras ng bagyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here