Home OPINION KIDNAPPER FOR RANSOM LIPULIN!

KIDNAPPER FOR RANSOM LIPULIN!

MAGKAKASUNOD ang kidnapping-for-ransom at robbery-extortion.

Nakatatakot ang mga pangyayaring sa gitna ng pagbabawal sa mga mamamayan na magdala ng armas o kaya’y pagtanggal ng ligal na escort para sa kanilang proteksyon.

Pinaiiral ang nasabing mga patakaran dahil sa umiiral na gun ban kaugnay ng halalang 2025 at tunggalian sa pulitika, may eleksyon man o wala.

Ayon sa mga negosyanteng Tsino, sa loob ng nakalipas na limang linggo, tatlo na ang kidnap-for-ransom: Una ang isang Malaysian Chinese student na kinidnap sa Taguig City; ikalawa ang isang may negosyong kiosk sa Binondo, Manila; at pinakahuli ang pinatay na si Anson Que at driver nito.

‘Yung kaso ng estudyante, nagkaroon ng pagdududa sa kwento ng mga pulis na sila ang naka-rescue dahil may kwentong ang uncle nito ang sumundo sa bata saka dinala sa ospital dahil pinutulan ito ng daliri, bagama’t natagpuan naman nila ang driver nito na pinatay at sinasabing kasabwat sa pagkidnap.

Wala namang detalye sa may-ari ng kiosk pero itong huling kaso ni Que at driver nito, matindi ang ginawa sa mga ito.

Pagkatapos na magbayad ang pamilya ng tatlong beses para mabuo ang P100 milyong ransom, pinatay at itinapon ang kanilang bangkay sa Rodriguez, Rizal.

Nakasilid sa isang nylon bag, nakabalot ng duct tape ang kanilang mukha at may mga sugat sa kanilang katawan at palatandaan na sila’y sinakal para mamatay.

Ngayon naman, agad na isinisisi ang mga krimen sa POGO operators na bumaling sa ibang pagkakitaan makaraan silang ipagbawal sa pagtatayo ng mga pasugalang ligal at iligal.

Pero wala kayang kinalaman din ang mga iskalawag na tauhan ng gobyerno gaya ng kaso ng ni-raid na Tsinoy na hinulidap ng nasa P85 milyon sa Las Piñas City ng mga pulis mula sa Eastern Police District bago ang kaso ni Que?

Panahon na para ibalik ang parusang bitay para malipol ang mga kidnapper-for-ransom at hulidaper, manlaban man o hindi.