MANILA, Philippines – Pinalagan ni Senador Alan Peter Cayetano ang paratang ni dating Senador Leila De Lima nitong Huwebes matapos siyang idawit sa paglabag sa karapatang pantao sa implementasyon ng Oplan Tokhang sa war on drugs ng Duterte administration.
Sa kanyang Facebook live, sinabi ni Cayetano, dating kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Duterte administration, na dapat ipatupad ang due process sa lahat ng mamamayan alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution.
“There are also accusations that are very unfounded, and I would dare say are lies, and there are also pang-palito sa issue,” ani Cayetano sa kanyang Facebook Live session nitong March 13, 2025.
Tugon ito ni Cayetano sa patutsada ni De Lima, dating chairperson ng Commission on Human Rights na nag-imbestiga sa Death Squad ni Duterte sa Davao City, sa usapin ng International Criminal Court (ICC) sa dating chief executive na nakakulong ngayon sa The Hague.
Sa isang video statement, pinuna ni De Lima ang kredibilidad ni Cayetano sa pagtalakay ng human rights at due process of law na nakatakda sa Saligang Batas.
Inakusahan ni De Lima si Cayetano na sinusuportahan nito ang extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration.
Mahigpit na pinabulaanan ito ni Cayetano saka iginiit na hindi dapat gamiting sandata ang human rights sa pansariling interes sa pulitika.
Ipinaliwanag ni Cayetano na malinaw na nakatakda sa Saligang Batas na may karapatan ang bawat indibiduwal sa due process – kabilang dito si dating Pangulong Duterte.
“‘Di ba nakalagay na ‘No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law’? Si President Duterte po ay isang tao. Sabi po ng Constitution, ‘No person.’ Ako po, person din po ako. So paano mo sasabihin na ‘You’re the last person who should be talking about it?’ Wala pong ‘last person’ sa Pilipinas na pwedeng pag-usapan ang human rights kasi para sa lahat ‘yan,” aniya.
Kinastigo din ni Cayetanoa ng paratang ni De Lima hinggil sa isyu ng extra judicial killings na hindi kailanman na pumayag siya sa anumang uri ng pang-aabuso.
“Kailan ko sinabing kulang pa y’ung patay? I always said that every life is valuable,” aniya.
Ibinabala din ni Cayetano ang pag-aresto kay Duterte nang hindi sumailalim sa tamang proseso na maaaring maging panganib na precedent at gamitin laban sa kalaban sa pulitika.
“Kaya pala sinasabi mo na isama na ako [sa ICC]. In the next few days, hindi lang si Senator Bato [dela Rosa] ‘yan. Ang gusto ni Senator de Lima at ng iba nilang mga kaanib ay ubusin ang mga kalaban nila sa politika,” aniya.
“Hindi po ito human rights agenda para kay Senator de Lima, ito ay isang political agenda,” dagdag niya. Ernie Reyes