MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang ang paratang ng pagtataksil matapos nitong tumulong sa Interpol sa pag-implementa ng ICC arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Claire Castro, tagapagsalita ng Palasyo, sumusunod lang ang gobyerno sa batas ng Pilipinas, partikular ang Republic Act 9851 na nagpapahintulot ng extradition ng mga akusado ng krimen laban sa sangkatauhan.
“Kung iisipin po natin, wala pong ginawang betrayal ang Pangulo kanino man po dahil po tinutupad lamang ang sarili nating batas,” ani Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.
“So mas mahirap po siguro magkaroon ng betrayal ang administrasyon sa sarili nating batas. So wala pong betrayal kung kanino man po kung ito man po nagpapatupad ng pag-cooperate sa Interpol,” dagdag pa niya.
Inakusahan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng paglabag sa pangakong hindi makikipagtulungan sa ICC, at sinabing pakiramdam niya ay “pinagtaksilan” siya.
Pinabulaanan ito ni Castro, na iginiit na sinunod lamang ng administrasyon ang proseso nang dumating ang warrant mula sa Interpol.
Ang arrest warrant, na tinanggap at pinirmahan ng abugado ni Duterte na si Atty. Martin Delgra, ay naiproseso noong Martes. Lumipad si Duterte patungong The Hague, Netherlands, at kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison habang naghihintay ng kanyang unang pagharap sa ICC sa Biyernes. RNT