Home NATIONWIDE Sapat na suplay ng kuryente sa tag-init, pinatitiyak sa DOE, ERC

Sapat na suplay ng kuryente sa tag-init, pinatitiyak sa DOE, ERC

Mistulang kinalampag ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyakin ang pagtupad ng generation company sa preventive maintenance schedules upang maiwasan ang kakapusan ng suplay ng kuryente sa panahon ng tag-init.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, vice chairman ng Senate committee on energy na inaasahang magkakaroon ng red o yellow alert sa panahon ng tag-init kaya’t nararapat lamang na tiyakin ang preventive maintenance schedules ng power firms.

“Napakahalaga na ang generation companies ay mahigpit na sumunod sa mga maintenance schedule upang matiyak na meron tayong maaasahan na suplay ng kuryente at maiwasan ang mga pagkaantala,” ayon kay Gatchalian.

Kamakailan, nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines na kapag tumirik ang ilang planta na wala sa plano, maaaring magkaroon ng kakapusan sa suplay ng kuryente sa tag-init.

Binigyang-diin ng senador na, para maiwasan ang mga brownout, dapat magsagawa ng regular na maintenance ang lahat ng generation company upang matugunan ang mga potensyal na problema at ma-maximize ang power generation output.

“Ang kawalan ng kuryente, lalo na tuwing tag-init, ay nagdudulot ng malawakang epekto sa mga pamilya, negosyo, at buong komunidad,” ani Gatchalian.

Dapat din aniyang dagdagan ng DOE ang impormasyon, edukasyon, at komunikasyon tungkol sa energy efficiency at conservation sa mga konsyumer.

Binigyang-diin ng senador na ang kampanyang ito ay dapat nakatuon sa pagbawas sa kabuuang konsumo ng enerhiya, lalo na sa mga lugar na may mataas na demand tulad ng Metro Manila.

Ayon pa kay Gatchalian, ang pagpapatupad ng efficiency at conservation measures ay inaasahang makakatulong para mabawasan ang pagkonsumo ng enerhiya, matiyak ang sapat na suplay, at magbigay ng katipiran sa gastusin ng publiko. Ernie Reyes