Home OPINION KLASE, COVID-19 AT PERWISYONG BAHA

KLASE, COVID-19 AT PERWISYONG BAHA

KAHAPON sa Metro Manila, nahati ang pasok ng mga eskwela dahil sa magkahalong baha at sama ng panahon na dala ng habagat at lumayo nang bagyong si Enteng.

May mga lungsod sa Metro Manila na idineklarang suspendido ang face-to-face samantalang ‘yung iba, nagdesisyong gawing online ang klase.

‘Yung iba, wala tayong balita.

Ngunit suspendido sa all levels ang marami o lahat ng klase sa maraming iskul sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Angeles City at Tarlac.

Suspendido rin ang klase sa all levels o kindergarten hanggang high school  sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Occidental Mindoro.

MAGANDANG BUNGA NG COVID-19

Bagama’t naging katakot-takot na bangungot ang ipinarating ng Covid-19 sa atin sa libo-libong namatay at milyong nagkasakit, nag-iwan naman ito ng isang mabisang paraan para sa pag-aaral.

‘Yun bang === online na pag-aaral.

Kaya naman, sa mga oras de peligro para sa mga estudyante at guro na dala ng mga kalamidad gaya ng baha at pag-ulan, tuloy ang pagpapaunlad ng sarili ang mga estudyante at guro.

Tuloy ang edukasyon na siyang isa sa mga pinakapundasyon ng ating lipunan upang uunlad lahat at hindi masadlak sa kahirapan at kawalan.

Basta may kuryente at may gadget, cellphone ang minimum, tuloy ang pag-aaral.

Kahit atrasado o mabagal o putol-putol pa rin ang mga internet, tuloy ang edukasyon.

At kahit pa medyo apektado ang kalidad ng edukasyon na ating nakakamit.

Siyempre pa, nagpapasalamat tayo sa mga local government unit na nagbubuhos ng kanilang pondo para sa pangangailangan sa edukasyon mula sa probisyon ng wifi hanggang sa libro at iba pa bilang dagdag sa mga bigay ng Department of Education, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority at iba pa.

MGA PAGBAHA TULOY-TULOY

Basta’t dumating ang tag-ulan, wala nang makapipigil sa pagkakaroon natin ng baha.

Kahit saan at anong araw, meron tayo niyan.

Pero lumalala umano ito dahil sa climate change kumpara sa mga nakaraang panahon na wala nitong pagbabago o pag-init ng panahon.

Paano nga kaya sosolusyonan ang mga pagbaha, lalo na sa mga matataong lugar gaya ng Metro Manila na pinaninirahan ng nasa 15 milyong tao at umaabot sa nasa 20 milyon kung araw dahil sa pagpasok ng mga taga-Bulacan, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas at Cavite?

Dapat na pag-isipan ito ng pamahalaan…kung paano bigyan ng tamang tugon ang napakalaking problemang ito na naging problema na ng buong bansa at maging ng milyon-milyong kabataang mag-aaral na umaabot sa halos 30 milyon taon-taon.

Hindi dapat maulit ang halos nasasayang nang P1 trilyong badyet laban sa baha sa nakalipas na 10 taon.

Alalahaning nakakabit din dito ang bilyon-bilyon pang pondong bayan sa pag-ayuda sa mga biktima ng baha taon-taon.