MANILA, Philippines- Lumilinaw na ngayon ang koneksyon ng operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga.
Ito ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla kasunod ng pagkakahuli kay Cassandra Ong sa Indonesia kasama ang pinaniniwalaang kapatid ni dismissed Mayor Alice Guo na si Sheila Guo.
Taliwas aniya sa pagtanggi ni dating Sec. Harry Roque, lumalabas ngayon na konektado ang dalawang ilegal na POGO.
Si Ong ang itinuturong nasa likod ng operasyon ng POGO sa Porac habang ang mga Guo ang siyang umanoy’ responsable sa POGO sa Bamban.
Sinabi ni Remulla na tinatrabaho na ng DOJ katuwang ang iba pang ahensya ang pagpapauwi sa dalawang inaresto
Ang dalawang nahuli ay nasa kustodiya na ng Indonesian authorities.
Ang dalawa ay pababalikin sa Pilipinas dahil peke ang kanilang pasaporte.
Hindi naman pabor si Remulla sa pagkansela sa pasaporte ng mga Guo at ni Ong.
Katwiran ni Remulla, kailangan pa nilang mag-isyu ng travel documents para mapabalik sa bansa ang mga Guo at si Ong.
Paliwanag pa ng kalihim na kung iisyuhan sila ng travel documents, pag-amin ito na mga Pilipino sina Guo at Ong.
Sa gitna ito ng mga alegasyon na ilegal ang pagkakakuha ng pasaporte ng mga Guo at hindi sila tunay na mga Pilipino.
Kumplikado aniya ito kaya’t nagdesisyon sila na huwag ikansela ang pasaporte ni dismissed Mayor Alice Guo, kanyang mga kapatid at si Cassandra Ong. Teresa Tavares