
TAMA lang ang hakbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang Konektadong Pinoy Act lalo’t nakasalalay dito hindi lang ang hanapbuhay ng maraming Pinoy kundi higit ang ekonomiya ng bansa.
Sa kasalukuyan kasing sistema ng internet connection sa ating bansa, maraming mga negosyo at industriya ang apektado, hindi lang dahil sa sobrang bagal na koneksyon, kundi dahil sa napakamahal pa ng pagbabayad nito.
Ang mga startup naman na gustong sumabay sa makabagong teknolohiya, pati mga mga online seller na umaasa sa e-commerce, at mga remote worker na kailangang magtrabaho nang malayo ay hirap sa kasalukuyang sistema kaya karamihan sa kanila ay mabagal naman ang pag-asenso.
Hindi lang ito problema ng maliliit na negosyo dahil pati ang mga malalaking kompanya at dayuhang negosyante ay paulit-ulit nang nananawagan sa Senado na ipasa at aksyunan na ang Konektadong Pinoy Act bago matapos ang 19th congress.
Ayon sa malalaking grupo at negosyante, nakikita nila ang potensyal ng batas upang buksan ang merkado, palakasin ang digital economy, at gawing mas kompetitibo ang Pilipinas sa mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nation o ASEAN.
Dagdag pa nila, isa ang Pilipinas sa may pinakamahal ngunit pinakamabagal na internet sa buong mundo.
Hindi ito dahil sa kakulangan ng talento o teknolohiya kundi dahil sa lumang batas at sobrang higpit na regulasyon na pumipigil sa bagong mamumuhunan na magtayo ng mas maraming internet infrastructure.
Sa pamamagitan ng Konektadong Pinoy Act na isinusulong ni Senador Alan Cayetano, mas padadaliin ang proseso ng pagpasok ng mga bagong kompanya sa industriya ng data transmission.
Sa madaling salita, hindi na lang dalawang telco ang may kontrol sa internet ng bansa kundi magkakaroon din ng mas maraming pagpipilian ang mga Pilipino.
Kapag mas maraming kompetisyon, mas bumababa ang presyo at mas gumaganda ang serbisyo.
Mas magiging abot-kaya ang internet para sa mga maliliit na negosyo, eskwelahan, at pamilyang umaasa sa online work at learning.
Kailangang aksyonan dahil mananatili tayong kulelat sa ASEAN pagdating sa digital infrastructure.
Habang ang ibang bansa tulad ng Vietnam at Thailand ay patuloy na namumuhunan sa kanilang internet infrastructure, tayo ay naiipit sa mabagal at mahal na serbisyo.