
AMININ man natin o hindi, nagkakagulo ang buong Pilipinas ngayon sa kagagawan ng mga namumuno at politiko.
Kasama sa pinagmulan ng gulo ang pagsasampa ng kaso nina Atty.Vic Rodriguez at Congressman Isidro Ungab at iba pa sa Korte Suprema para ipawalambisa ang pambansang badyet ngayong 2025 dahil labag umano ito sa Konstitusyon at batas.
Nagkagulo rin sa hanay ng social media, partikular ang vloggers, nang ipatawag ng tinatawag na Tricom sa Kamara ang mga ito para talakayin umano ang fake news at disinformation ngunit tatlo lang ang nagpakita sa 40 na inimbita.
Tumakbo sa Korte Suprema ang ilan sa mga vlogger, kabilang si Atty. Trixie Angeles, para hilinging maglabas ito ng temporary restraining order laban sa Tricom at maprotektahan umano ang karapatan ng malayang pamamahayag.
Sumunod naman ang madaliang paggawa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte at agarang pagpapadala at pagpapatanggap nito sa Senado ngunit dead on arrival ito dahil hindi umabot sa sesyong plenaryo o pangkalahatan ng mga senador nitong Huwebes, kaya sa Hunyo na lang ito tatalakayin.
Ngayon naman, may nagpipilit na magkaroon ng special sesyon ang Senado para sa paglilitis ng kasong impeachment.
Ayon kay Pangulong Bongbong Marcos, kung tatawag si Senate President Chiz Escudero, mananawagan siya para sa special session ngunit hindi kung walang tawag mula sa Senado.
Ano-ano nga kaya ang mangyayari sa mga darating na araw kung lalala ang mga ito at labis nang makasasama sa serbisyong bayan ng gobyerno sa mga mamamayan?
Ang hindi pupwedeng ipagwalang-bahala ay ang reaksyon ng taumbayan kung lumala ang gulo ng mga namumuno at politiko.
Isang posibleng mangyari ang pagkahati-hati at pag-aaway-away rin ng taumbayan na likha ng pagkahati-hati at kaguluhan sa hanay ng mga namumuno at politiko dahil pipilitin ng huli na hilahin ang taumbayan sa kani-kanilang interes.
Saan nga tayo patutungo sa ganitong kalagayan?