MANILA, Philippines- Kapwa suportado ng top security strategists ng Pilipinas at Japan na magtulungan para tugunan ang “destabilizing actions” sa South at East China Seas.
Ito’y matapos na makausap ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año ang bagong itinalagang Japanese National Security Adviser na si Okano Masataka, araw ng Lunes, Pebrero 17.
“NSA Año and NSA Okano discussed areas of cooperation to address destabilizing actions in the West Philippine Sea/South China Sea,” ang nakasaad sa kalatas ng National Security Council (NSC).
Hindi naman idinetalye ng dalawang opisyal kung sino ang tinutukoy nila bilang instigator ng ‘destabilizing actions.’
Gayunman, kapwa naman naharap sa agresibong aksyon ang Pilipinas at Japan mula sa Tsina dahil sa overlapping territorial claims sa South China Sea at East China Sea.
Inaangkin ng Tsina ang bahagi ng West Philippine Sea at maging ang Senkaku Islands, nagtulak sa tuminding komprontasyon sa Maynila at Tokyo sa mga nakaraang taon.
Ayon sa NSC, muling pinagtibay nina Año at Okano ang kanilang commitment sa freedom of navigation at international law sa South China Sea at East China Sea, at maging ang kahalagahan na panindigan ang isang ‘free at open Indo-Pacific, at international rules-based order.”
“The two NSAs confirmed Japan-Philippines security cooperation and concurred to continue to work closely with each other,” ang sinabi sa kalatas ng NSC.
Sa kabilang dako, binati naman ni Año si Okano sa kanyang bagong katungkulan.
Si Okano, ay dating vice minister for foreign affairs ng Japan, pinangalanan bilang top security adviser ng kanyang bansa noong Enero.
Kapwa namang sumang-ayon sina Año at Okano na ipagpatuloy at isusulong ang trilateral framework of cooperation na itinatag ng Pilipinas at Japan kasama ang Estados Unidos sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Donald Trump. Kris Jose