Home OPINION KORAP, KALAMIDAD LABANAN

KORAP, KALAMIDAD LABANAN

HINDI biro ang mga baha na dinaranas ng bansa at lalong lumutang ang problemang ito sa sabay-sabay na pananalasa ng mga bagyong Egay at Falcon at habagat.

Halos buong Luzon ang binaha nang todo at milyon-milyong tao ang natamaan habang 50,000 ang nasa evacuation center hanggang ngayon.

Siyempre, magkakasama sa mga evacuation center ang mga binaha at nawasakan ng bahay.

Bukod sa namatay na nasa 27 katao dahil sa mga baha, landslide at iba pa, nasa P2 bilyong halaga ng pananim at ari-arian sa agrikultura ang nasira habang nasa P5 bilyon naman ang nasirang mga imprastraktura.

MATAGALANG AYUDA KAILANGAN

Sa agrikultura, nalunod at nasira ang mga pananim na palay, kasama ang mga traktor, generator at namatay na mga hayop na katulong sa pagsasaka.

Nawasak din o nalunod ang maraming alagaan ng isda na fishpond at iba pang pangulong, gaya ng mga fishnet, at nagsilayasan ang mga laman ng mga ito na bangus, tilapia, hipon, alimango, hito at iba pa.

Sa palay lamang, nasa 4 na buwan muli ang aabutin ng anihan at sa bangus at tilapia lamang, aabutin din ng nasa 4-6 buwan bago magkaroon din ng ani.

At kailangan ang panibagong gastos sa mga binhi at pag-aayos ng sakahan at palaisdaan ang gagawin.

Ang tanong ngayon, nasaan na ang mga mabilisang pang-ayuda sa mga biktima ng kalamidad na ito upang magiging produktibo sila?

Ang tiyak, hindi sapat ang pamimigay lang ng mga ayudang pang-hanggang isang araw o isang linggong laban sa gutom.

Ngayon pa lang, dapat nang isipin ng mga kinauukulan kung paano ayudahan ang mga nasa agrikultura na magpanibago ng produksyon sa loob ng ilang buwan.

Sapat na pinansya, binhi, abono, makinarya at pampamilyang pangangailangan ang kailangan ng mga nasa agrikultura para sa ilang buwan ng panibagong produksyon.

MGA KORAP AT IMPRASTRAKTURA

Ang mga nawasak na eskwela, gusali, tulay, kalsada, pier at iba pa ng gobyerno, kapag kumpunihin o itayo ang mga ito, pupwedeng pagmulan ng trabaho para sa mga nasiraan sa agrikultura para makaipon ng panggastos sa kanilang panibagong produksyon at pangangailangang pampamilya.

Iba pa ang mga direktang ayuda mula sa bangko o ibang nagpapautang o nagbibigay ng walang anomang kabayaran o donor.

Sa rami ng mga nasiraan na nangangailagan ng pagkakitaan, mapabibilis din ang muling pagtatayo ng mga imprastraktura na kailangan sa transportasyon para sa mga kalakal, biyaheng tao at serbisyo ng gobyerno.

Kung hindi lang iiral ang korapsyon at bawat sentimo ng mga buwis at iba pang binabayaran ng mga mamamayan sa pamahalaan ay maingatan, marami ang pondo ng pamahalaan na pwedeng gamitin sa pagbangon ng lahat mula sa kalamidad.

Huwag dapat hayaang ibulsa ng mga korap ang nasa 50-60 porsyento ng mga pondo para sa rehabilitasyon ng mga biktima ng kalamidad.