Home OPINION KORAP NANG KORAP

KORAP NANG KORAP

HINDI gumalaw ang Pilipinas sa talaan ng katiwalian o Corruption Index noong 2023, na inilabas ng corruption watchdog na Transparency International.

Ayon sa report, nasa ika-115 na pwesto ang Pilipinas mula sa 180 na bansang kasama sa research.   Meron score na 34 ang Pilipinas, kung saan 100 ang pinakamataas na posibleng score na makuha.   Mas mababa ang score ng isang bansa, mas korap o
puno ng katiwalian ang gobyerno dito.

Halos kapantay ng Pilipinas ang mga bansang Indonesia, Ecuador, Malawi, Sri Lanka at Turkey. Denmark at Finland ang may pinakamataas na antas na may score na 90 at Somalia naman ang pinakakulelat dahil 11 points lang ang nakuha nito.   Singapore lang ang bansang Asyano na pasok sa Top 5 ng listahan.

Ilan sa mga dahilan kung paano nasukat ang baba ng score ng corruption sa Pilipinas ay ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas laban sa korapsyon, kahinaan ng mekanismo o ahensya na nagtataguyod dapat nang pagsawata sa korapsyon at ang
kawalan ng isang maayos na kampanya ng gobyerno na pipigilan nito ang korapsyon.

Nagreact naman ang Management Association of the Philippines o MAP at sinabi nila na noong 2022, meron din silang sarbey sa mga negosyante at pinuno ng mga korporasyon kung ano ang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran sa Pilipinas.   At ang
lumabas na pinakauna sa mga banta na nakikita ng mga corporate leaders ay ang korapsyon.  67% ang sumagot na kailangan unahin at pangunahan ng gobyerno ang
solusyanan ang korapsyon.

Mabigat ang pakiramdam naming mga journalist sa isyung ito, dahil maraming mga kasamahan namin sa industriya ang nagbuwis ng buhay para ilantad at labanan ang korapsyon.  Si Percy Lapid na ibinulgar ang korapsyon sa National Bureau of
Correction. Pati si Doc Gerry Ortega ng Palawan na pinapatay para patahimikin s’ya bilang kritiko ng korapsyon sa Malampaya Funds.

At marami pa sila.

Malinis na pamamahala ang magdadala ng mga investments at investors dito sa Pilipinas.  Malinis na pamamahala ang magpapabilis ng serbisyo para sa mga tao.   Maayos na paggastos sa kaban ng bayan ang magdadala ng kaunlaran.

Pagpapatigil sa korapsyon dapat ang inaatupag ng gobyerno, at hindi ang pagpupumilit na isulong ang Charter change.

Previous article
Next articleEL NIÑO AT LA NIÑA TUMITINDI