Home OPINION
‘WANG-WANG’, MOTORCYCLE ESCORT COPS BALIK KALYE MULI
MATAGAL-TAGAL ding nanahimik ang mga motorcycle police na nag-eescort sa ilang prominenteng tao o VIPs na ayaw maantala sa kalsada o maipit sa gitna ng mabigat na daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila lalo na sa Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA, pero ngayon bumabalik na sila muli.
Maging ang mga sasakyang may “wang-wang” o siren ay nanahimik sa panahon ng namayapang dating Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III hanggang sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte subalit ngayon ay balik na naman.
Ang mga tauhan ng Philippine National Police Security and Protection Group ay silang nagbabantay sa mga opisyal ng pamahalaan, miyembro ng diplomatic corps, mga foreign dignitary, delegates at iba pa at hindi sila pinagbabawalan na magbigay ng proteksyon sa mga taong may banta sa buhay.
Nakasuporta rin ang PSPG sa Presidential Security Group kung kinakailangan ang kanilang serbisyo sa Pangulo at sa kanyang pamilya.
Pero ano itong ginagawa ng ilang tauhan ng PNP-Highway Patrol Group? Kung HPG police nga.  Makikita sa kalsada na dalawa o tatlong motorcycle cops na ang mga motorsiklo ay may nakasulat na malalaking pulang letra ng HPG na hinahawi ang mga sasakyan sa kalsada upang bigyang daan ang sasakyan ng inieskortan nilang VIP para sa kanila.
Bakit, nakasisiguro ba tayo na elected o appointed officials ng pamahalaan ang kanilang ini-eskortan? Paano kung pribadong tao na ayaw lang mahuli sa kanilang pupuntahan? Handa silang magbayad para lang hindi sila maipit o mapeste ng traffic. Paano naman ang ibang nakikipagbuno sa kalsada?
Dapat, lumaban sila ng parehas? Gumising sila ng maaga upang hindi sila maipit sa maramihang daloy ng nagsisiksikang sasakyan sa kalye.
At ang mga motorcycle cops na nagbibigay ng ekstrang serbisyo ay dapat maparusahan. Aba’y doble-doble ang kita nila. Sinuswelduhan sila ng mamamayan sa pamamagitan ng buwis pero ang oras nila ng trabaho ay inilalaan nila sa pagseserbisyo sa mga taong handang magbayad ng extra sa kanila.
Hindi lang naman HPG ang kakalampagin ng Pakurot subalit maging ang mga sasakyang may “wang-wang” o sirena na kapag naiipit na sa traffic ay walang patayan ng pag-iingat ng sirena at pati blinker ay pinapaandar na rin.
Siyempre, sasakyan ng pulis kaya naman nagtatabihan upang bigyan sila ng daan. Kahit hindi nagmamadali ay ginagamit nila ang wang-wang at blinker. Mabilis nga naman.
Pero minumura naman sila ng mamamayang nasa loob ng mga sasakyang kanilang pinatatabi upang bigyan sila ng daan.
Previous articleCARDINAL SANTOS MEDICAL CENTER, BINUKSAN ANG CHINESE NEW YEAR NA MAY KASIYAHAN AT MGA TRADISYON
Next articleKORAP NANG KORAP