Home NATIONWIDE Korapsyon sa ahensya itinanggi ng FDA chief

Korapsyon sa ahensya itinanggi ng FDA chief

196
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Attorney Paolo Teston ang paratang na tumatanggap ang ahensya ng lagay mula sa mga multinational company para sa pag-apruba ng kanilang produkto at sinabi niyang hindi siya magreretiro.

Ito ay sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography kung saan inakusahan ni Senator Raffy Tulfo ang FDA na pabor sa malalaking pharmaceutical companies at maling pamamahala sa product approvals.

“We don’t tolerate po corruption,” anang kalihim at iginiit na maraming empleyado ang matuwid at sinabing susuriin ang anumang konkretong impormasyon.

Ayon kay Teston, magpapatuloy siya sa kanyang tungkulin, at ipinaliwanag na boluntaryo ang pagbibitiw.

Binanggit niya ang kakulangan ng ahensya, kabilang ang 254,000 aplikasyon kada taon na sinusuri ng mas mababa sa 250 evaluators, 248 field offices, at 28 enforcement units.

“FDA is not perfect. But the FDA and its people are working over and above their limits, and we are enforcing the law with the resources entrusted to us,” sabi niya.

Nagpahayag naman ng pag-aalala si Sen. Risa Hontiveros tungkol sa pekeng gamot, habang ipinakita ni Tulfo ang mga kaso ng online sellers na nakapagbenta ng prescription-only medicines kahit walang reseta.

Mula 2014, nakumpiska ng FDA ang P860 milyon na halaga ng violative products, kabilang ang P56 milyon sa nakalipas na walong buwan. Mula Nobyembre 2025 hanggang Enero 2026, 1,531 product listings ang natanggal.

Ani Teston, ang ilang ilegal na nagbebenta ay nasa labas ng bansa ngunit may lokal na distributor, at ang multa ay mula P50,000 hanggang P500,000.

Sinusuri ng Customs ang integridad ng mga produktong inaangkat, at nangakong tumutulong ang social media at online platforms tulad ng Facebook, TikTok Shop, Shopee, at Lazada sa pagtanggal ng pekeng gamot.

Hinikayat ni Sen. Erwin Tulfo ang mga law enforcement agency na gamitin ang kanilang 2026 intelligence funds upang tugunan ang online counterfeit pharmaceutical activities. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here