MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senate committee on health ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa kakulangan ng mga tauhan nito na dapat ay nakatalaga sa mga Malasakit Center.
Ang PCSO ay isa sa mga ahensiya may mahalagang papel sa ilalim ng Malasakit Centers Act.
Tinalakay sa pagdinig ang mga kritikal na puwang sa paghahatid ng tulong medikal, mga hamon sa accessibility, at mga mungkahing solusyon upang mapabuti ang mga serbisyo para sa mahihirap na pasyente.
Sa pagtalakay, ikinabahala ni Go ang ulat na limitadong presensya ng mga kinatawan ng PCSO sa Malasakit Centers sa buong bansa.
“I got a report that the Department of Social Welfare and Development (DSWD) has 162 representatives out of 166 Malasakit Centers, and then PCSO only has 40 representatives. Ano ba’ng hakbang na ginagawa n’yo para masolusyonan po ito? At paano kayo makapagbibigay ng tulong sa mga Malasakit Centers?” kuwestyon ni Sen. Go.
Ipinunto niya na ang PCSO na kumikita ng napakalaki ay may kakayahang pinansyal na tugunan ang mga puwang na ito.
“Sobra-sobra po ‘yung pondo n’yo. Halos linggo-linggo kayo nagpapapanalo sa lotto. So, ibig sabihin, sobra talaga ‘yung pondo n’yo. Bigyan n’yo naman ‘yung mga pasyente, ang mga mahihirap nating kababayan. ‘Yon naman po ang mandato n’yo, at meron kayong mga programa na financial assistance, medical assistance na itinutulong dapat sa mga kababayan natin.”
Binigyang-diin ni Go na mahalagang dapat sundin ng PCSO ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019.
Ang nasabing batas ay nilikha upang pabilisin ang proseso sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong-medikal nang hindi nangangailangan ng tulong ng ibang mga tanggapan. Ginawa aniya ito upang mabawasan ang pasanin ng mga pasyente.
“Imbis na pambili nila ng pagkain ‘yon, pamasahe pa nila para pumunta sa inyong regional offices. What if malayo ‘yung inyong regional offices?” ani Go na siyang may-akda ng Malasakit Centers Act.
Ayon sa senador, ang inspirasyon sa likod ng pagtatatag ng Malasakit Centers ay hango sa mga nasaksihan niyang pakikibaka ng mga pasyente, makahanap lang ng tulong-medikal.
Inilarawan niya ang isang tipikal na senaryo kung saan, pagsapit ng Lunes, mabibigatan na ang isang pasyente sa bayarin sa ospital na nagkakahalagang P87,000. Desperado para sa tulong, ang pasyente ay pipila sa City Hall para makakuha ng P20,000 tulong.
Pagsapit ng Martes, tutuloy sila sa PCSO, kung saan ang proseso ay sobrang nakapapagod. Ang opisina ng PCSO, aniya, ay isang dalawang palapag na gusali kung saan madadatnan ang mahabang pila ng mga tao. As early as 5 a.m., ang mga pasyente ay nakapila na sa sidewalk, naghihintay ng tulong.
Sa mga susunod na araw, ang mga pasyente ay kailangang pumila sa iba pang opisina, tulad sa mga pulitiko. Ang mahirap na paglalakbay na ito ay kumakain hindi lang ng oras kundi nagdaragdag ng gastos sa transportasyon, na lalong nagpapabigat sa gastusin ng mahihirap.
“D’yan ko po naisipan itong Malasakit Center, na ilagay na lang sa isang kwarto, para hindi na sila lumabas sa ospital. Para mailapit natin ‘yung serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Dahil pera po ng taong bayan ‘yan, pera ng Pilipino ‘yan, ibalik natin sa mabilis na paraan,” sabi ni Go.
Sa kanyang tugon, tiniyak ni PCSO Assistant General Manager Arnel Casas kay Senator Go na patuloy na tumutulong ang ahensiya sa kasong isinumite sa kanila sa pamamagitan ng Malasakit Centers.
“On our part, Mr. Chair, lahat po na ipinapasok sa amin sa Malasakit Center, wala po kaming tinatanggihan na mga cases,” sabi ni Casas.
Iminungkahi ni Senator Go sa PCSO na kumuha ng mas maraming tauhan upang makatulong sa mga pasyenteng lumalapit sa Malasakit Centers.
“I’m sure marami pong mga kababayan natin na walang trabaho na willing magtrabaho sa PCSO. Maganda pong trabaho ‘yan ‘pag nasa PCSO ka. I’m sure they will be very proud na maging plantilla ng PCSO at makatulong sa mga kababayan natin,” anang mambabatas. RNT