KUWAIT, Kuwait – Tinamaan ng drones ang fuel tank sa Kuwait International Airport na nagdulot ng sunog, ayon sa civil aviation authority ng Kuwait, habang nagpapatuloy ang pag-atake ng Iran sa halos apat na linggong digmaan sa rehiyon.
Batay sa paunang ulat, “limited” lamang ang pinsala at walang nasawi. Ayon kay tagapagsalita Abdullah Al-Rajhi, patuloy na inaapula ng mga bumbero ang apoy.
Inako ng Iran’s Revolutionary Guards ang pag-atake, kabilang ang missile at drone strikes sa mga base ng US sa Kuwait, Jordan, at Bahrain, pati sa Israel.
Sinabi ng Kuwait National Guard na nasabat nila ang anim na drones, habang aktibo rin ang air defense ng bansa.
Nagpatunog ng air raid sirens sa Bahrain, habang sa Jordan ay may nahulog na debris malapit sa Amman ngunit walang nasaktan. Sa Saudi Arabia, apat na drones ang napatumba.
Sa Israel, tumugon ang air defenses sa mga missile ng Iran na nagdulot ng babala sa gitnang bahagi ng bansa.
Sarado pa rin sa karamihan ng flights ang Kuwait airport at ilang beses nang tinamaan mula nang magsimula ang digmaan noong Pebrero 28. Nauna na ring inatake ang radar system at passenger terminal nito.
Dahil sa krisis, pansamantalang itinigil o binawasan ng ilang airlines ang biyahe sa Gulf dahil sa kakulangan ng fuel. RNT/MND