Manila, Philippines- Sa isang panayam, kinumpirma ni Sugar Mercado na nagkaroon sila ng relasyon ng TV host na si Willie Revillame simula nang magkasama ang dalawa sa isang programa na tumagal ng pitong taon.
Dati nang pinag-uusapan ang isyung ito, subalit dati ay itinatanggi at umiiwas si Sugar sa tuwing matatanong ukol dito.
Pero ngayon ay inamin ng dating SexBomb Girls dancer na nagmahalan sila ni Willie sa loob ng maraming taon.
Si Sugar ay naging co-host noon ni Willie sa Wil Time Bigtime (2011-2012) sa TV5 at Wowowin (2017) sa GMA-7.
Ginawa ni Sugar ang pag-amin sa YouTube interview sa kanya ni Ogie Diaz.
Sa simula, idinaan muna ni Sugar sa biro ang mga sagot nang tanungin siya kung totoong naging magkarelasyon sila ni Willie ng pitong taon.
“Hindi ako sure. Hindi naman siya umamin, e,” sabi ng dancer-comedienne saka siya tumawa nang malakas.
“Ang kapal naman ng mukha ko [na] umamin ako, hindi naman siya umamin.
“Hindi ako sure, baka mamaya nag-bonding lang kam.”
Sa pagtatanong pa ni Ogie kung sa pagkakaalam ba ni Sugar ay naging sila ni Willie sa loob ng pitong taon?
“Oo,” pag-amin ni Sugar.
Ipinaliwanag ni Sugar kung bakit sa previous interviews ay hindi niya ito inamin.
“Siyempre nakakahiya naman kung ako lang yung ano, aamin, di ba?
“Siyempre, kababae kong tao… kahit hindi ako mukhang babae, siyempre may heart din ako, wow!
“And okay naman yun kasi alam mo naman siya [Willie], pribado siya masyado.
“And sabi ko nga, never akong nagsisi sa lahat ng nangyari sa life ko.
“At aminado rin naman ako na minahal ko talaga yung tao nang sobra pa.”
Inusisa si Sugar kung naramdaman ba niyang sinuklian ni Willie ang kanyang pagmamahal.
“Oo naman, lalo na yung dalawang anak ko,” walang pag-aalinlangang sagot ni Sugar, na may dalawang anak na babae mula sa kanyang dating asawa.
“At hanggang ngayon, hindi na maaalis yun sa buhay naming mga anak ko, nasa puso na namin siya habang buhay.
“Wala naman akong masasabing hindi maganda sa kanya kasi minahal niya talaga yung mga bata.”
Nilinaw din ni Sugar na matagal na raw silang hindi nag-uusap at nagkikita ni Willie.
As of press time ay wala pa ring reaksyon si Willie sa pag-amin ni Sugar. Ador Saluta