Home HOME BANNER STORY ‘La Niña-like’ conditions magtatagal ‘gang Marso

‘La Niña-like’ conditions magtatagal ‘gang Marso

MANILA, Philippines – Maaaring makaranas ng La Nina-like conditions ang bansa sa mga susunod na buwan.

Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis nitong Sabado, Enero 4, nasa ilalim ng La Niña alert ang bansa mula pa noong Hulyo bagama’t hindi pa naaabot ang kaukulang threshold para ideklara ang La Niña season.

“Nandiyan po siya sa malapit na threshold o borderline, dahil nakikita po natin yung mga possible impacts ng isang La Niña, kaya La Niña-like conditions yung pinalabas natin [na advisory]… Sa ngayon po, ‘yung nakikita po natin is ito pong buwan ng December, January, February is around 72% [chance of La Niña],” ani Solis.

“At least itong January, February, March ay ganun parin po ang ating mararanasan,” dagdag pa ni Solis.

Aniya, hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na maabot ang La Niña threshold sa mga susunod na buwan.

“Nandiyan parin po yung posibilidad na mare-reach yung threshold, pero hindi po siya masusunod, ‘yung tinatawag nating full-blown La Niña kung saan maaaring magtagal ng 6 na buwan or more,” pagpapatuloy ni Solis.

“Kung mapapansin niyo po, madami tayong weather system… Makakaranas [tayo] ng Shear Line, kasi po ang La Niña, ang kasama po ito ang malakas na easterlies,” aniya.

“Huwag parin po pakampante ang ating mga kababayan, dahil marami pa rin pong weather system na posibleng makapagpaulan at magbigay ng mga baha at landslide sa mga susunod pa na araw.” RNT/JGC