Home HOME BANNER STORY Pagkalat ng promotional materials ng ilang personalidad ‘di mapipigilan ng Comelec

Pagkalat ng promotional materials ng ilang personalidad ‘di mapipigilan ng Comelec

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nito mapipigilan ang pagkalat ng promotional materials ng ilang personalidad dahil ang mga ito ay ikinokonsidera pang aspirants sa halip na mga kandidato para sa 2025 election.

“Nalulungkot po ang Comelec, we would like to express that. Sapagkat alam po namin, kami po naman ay tatalima sa batas at desisyon ng Korte Suprema. Napakabigat po sa kalagayan namin at mabatuhan ng sisi ng ating pong mga mamamayan sapagkat naglipana ang mga pagmumukha nila,” pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Sabado, Enero 4.

Sa desisyon na promulgated noong 2009, sinabi ng SC na ”Congress has laid down the law—a candidate is liable for election offenses only upon the start of the campaign period.”

Dahil sa ruling na ito, hindi maaaring maghain ng kaso ang Comelec o mag-alis ng promotional materials.

Nakatakdang magsimula ang election period sa Enero 12, habang ang campaign period para sa senatorial candidates at partylist groups ay magsisimula sa Pebrero 11.

“Sila raw po ay mga kandidato lamang sa unang araw ng campaign period. Ibig sabihin lahat ng ginagawa nila ngayon, wala pa pong election law na mag-go-govern sa kanila. Wala pa pong prohibition, wala pong violation,” ani Garcia.

“Dahan-dahan lang, medyo hinay-hinay. Huwag niyo pong i-underestimate ang katalinuhan ng ating mga kababayan,” paghimok ng Comelec sa mga aspirant.

Nagpaalala din ang komisyon sa pamahalaan kaugnay sa ban sa paglalabas ng pondo para sa mga proyekto na may kaugnayan sa public works at social services 45 araw bago ang eleksyon, ayon sa Omnibus Election Code.

Sa kabila nito, ipinunto ni Garcia ang ilang exceptions.

“Pinapayagan ng Comelec ang exceptions na ‘yan, na sa aming palagay ay hindi naman pamumulitika kundi talagang proyekto na nakalagay sa ating budget at matagal na ring naiplano,” sinabi ni Garcia.

“Ang [kuwestiyonable] na proyekto, ay ‘yung naisip lang ng politiko dahil siya ay tumatakbo,” dagdag pa niya.

Hindi rin naman pipigilan ng Comelec ang distribusyon ng ayuda basta’t walang sangkot na politiko dito.

Ilalabas ng Comelec ngayong araw, Enero 5 ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa May 12 midterm elections. RNT/JGC