Home NATIONWIDE La Union naka-full alert sa dagsa ng mga turista ngayong Semana Santa

La Union naka-full alert sa dagsa ng mga turista ngayong Semana Santa

MANILA, Philippines – Naka-full alert ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Health Office (PHO) ng La Union sa inaasahang dagsa ng mga turista ngayong Semana Santa.

Pipwesto ang emergency teams sa mga pangunahing lugar, kabilang ang coastal zones at mga simbahan.

“Our personnel will be deployed to key areas to ensure safety and security of visitors expected to flock to our province to enjoy the Holy Week break not only in popular tourist destinations but also in our churches,” saad sa anunsyo ni Governor Raphaelle Veronica Ortega-David.

Nagtalaga na ang PDRRMO ng mga tauhan at isinapinal na ang emergency plans sa ilalim ng Oplan Summer Vacation.

Nakipag-ugnayan na rin sa mga local municipal disaster offices para masiguro ang kahandaan.

Ang dalawang four-person teams ay ipakakalat sa strategic coastal locations, habang ang PHO ay magpapadala ng emergency response units, kabilang ang ambulansya, tatlong rescue pickups, dalawang rubber boat, isang jetski at service vehicle.

Samantala, nagpaalala naman si David sa mga magpupunta sa dalampasigan na mag-ingat sa paglangoy.

Nagpaalala rin ito sa mga residente at bibisita sa umiiral na Anti-Disturbance Ordinance sa Huwebes Santo at Biyernes Santo kung saan ipinagbabawal ang mga party at kaparehong event sa nasabing mga araw. RNT/JGC