Home OPINION LABAN NG MAMAMAYAN SA SUNOG NASAAN?

LABAN NG MAMAMAYAN SA SUNOG NASAAN?

MAGKAKASUNOD na naganap ang dalawang malaking sunog sa Quezon City.

Huling naganap ang ikinamatay ng 15 katao sa Pleasantview Subdivision sa Brgy. Tandang Sora.

Tatlo lang ang nakaligtas sa bahay na imprentahan ng mga t-shit.

Nauna rito, nasa 50 bahay ang naaabo na ikinasugat ng 11 katao at ikinawala ng tahanan ng 200 pamilya sa Adelfa at Vargas compounds sa Brgy. Culiat.

Napakabilis ang pagkasunog ng unang bahay dahil na rin umano sa mga kemikal at tela na gamit sa pag-imprenta sa mga damit.

Gayundin ang pangyayari sa ikalawang sunog dahil sa paglabas ng mga residente, napigilan o naging mabagal ang pagpasok ng mga bumbero sa loob ng mga compound.

Nag-alangan na ring lumusob sa lugar ng sunog ang mga bumbero dahil sa mga pagputok ng mga tangke ng mga liquefied petroleum gas sa mga tahanan.

Naging mabagal din ang responde ng mga bumbero dahil sa hina ng suplay ng tubig sa mga fire hydrant o espesyal na linya ng tubig na itinatayo ng mga konsesyonaryong Maynila at Manila Water.

Ang isang masakit, hanggang ngayon wala pang malinaw na dahilan ng mga sunog upang maging leksyon sa lahat at maiwasan sa mga darating na araw.

Pero siyempre, pinakasakit sa lahat ang mamatayan ng miyembro ng pamilya at matagalang pamamalagi sa mga evacuation center.

Kailan naman kaya makababangon sa masaklap na kalamidad ang mga biktima?

Mabuti na lang, mga brad, naririyan ang pamahalaang lokal ni Mayor Joy Belmonte na laging maaasahan sa pag-ayuda sa mga kinakalamidad.

Gayundin ang pambansang pamahalaan at mamamayang handang magbahagi ng meron sila para sa mga nangangailangan.

Ang tiyak, naganap ang mga sunog hindi dahil sa climate change o pag-iinit ng panahon  dahil malamig ang panahon at panay ang ulang dala ng habagat at mga bagyong Hana at Goring.

Nasaan nga pala ang kakayahan ng mga mamamayan na lumaban o pumigil sa sunog at hindi ipaubaya lahat sa mga bumbero?