Home OPINION KAGALINGAN AT PAGHILOM 

KAGALINGAN AT PAGHILOM 

340
0

KASISIMULA pa lang ng klase, halos isang linggo na hindi nakapasok ang anak ko dahil nagkasakit.   Medyo ninerbyos pa nga kami, kasi suspetsa namin ay dengue ang tumama sa kanya. Nagnegative kasi siya sa covid-19.    Kumpleto kasi ang sintomas, tatlong araw na taas-baba na lagnat, meron rashes sa mga kamay at dibidib, masakit ang ulo, LBM o pagdudumi, at matinding pananamlay.

Syempre bilang nanay, ang unang ginawa ko ay umasa sa gamot at sa payo ng mga kaibigang doktor.   Kasama na nga yung pagpunta sa ospital para sumailalim sa ilang  lab tests.   Western medicine ika nga.   Kasi tiwala tayo na ang doktor at syensa ng medisina at   mga  tabletas ang makaka-gamot sa mga sakit.

Mabuti naman at negatibo sa dengue ang  laboratory tests, at kinailangan lang na agapan ang sobrang taas na lagnat.

Pero hindi kami nagsara sa mga tradisyunal na paraan ng paggagamot.

Tumawag pa rin kami ng hilot, nagpatawas at dinasalan din ang anak ko. Naglaga pa rin ng tawa-tawa si ate at pinainom ito ilang beses.   Namitas ang nanay ko ng dahon ng tuba-tuba, pina-initan ng konti, nilagyan ng langis at saka dinikit sa dibdib at tiyan ng maysakit.

Syempre, kasabay ng lahat na ito ang oras-oras na punas ng malamig na bimpo sa noo, leeg, kili-kili hanggang singit. Para ma-kontrol ang nag-aapoy na init ng katawan dahil sa lagnat.

Sa ikalawang gabi nang pagpupuyat namin sa pagbabantay, napagkwentuhan namin ng mister ko ang mga alaala namin noong kabataan namin na meron talagang isang matanda sa mga kapitbahay o malayong kamag-anak na manghilot, na palaging takbuhan pag may-sakit.   At buong-buo ang tiwala namin na kaya kami gumaling, ay dahil nga sa paghilot nya.

Palagay ko, napakalakas ng kapangyarihan ng pag-aaruga, pagkalinga at ang lamyos ng paghilot ng isang tao sa kapwa nya na may sakit, kaya mas napapabilis ang paghilom o pag-galing. Ika nga eh, kung naniniwala kang gagaling ka, halos kalahati ng sakit mo ay mawawala na nga.

Umasa tayo sa medisina at pisikal na epekto ng mga gamot. Dagdag na bisa naman sa paghilom, ang mga tradisyunal na paraan ng paggagamot. Pwedeng magsama ang western medicine at traditional health practices natin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here