BAGAMA’T ligal na karapatan ang pag-motion for reconsideration sa desisyon ng Supreme Court o SC na ibasura ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, hindi kaya walang walang kahihinatnan ito?
Ibinasura ng SC noong Hulyo 25, 2025 ang ika-4 na impeachment complaint dahil labag ito sa 1987 Konstitusyon at due process o patas na paglilitis na probisyon din ng Konstitusyon.
Partikular na nilabag ng ika-4 na complaint ang Article Xl, Section 3 paragraph 5 ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing bawal na sampahan ng mahigit isang impeachment complaint ang parehong impeachable official sa loob ng isang taon.
Kaiba ang ika-4 na complaint na sakop ng Article Xl, Section 3 paragraph 4 na isinampa noong Pebrero 5, 2025 sa unang tatlong complaint na sakop ng Article Xl, Section 3 paragraph 2 na isinampa noong Disyembre 2, 4 at 19, 2024.
Nang sadyang patulugin at itago sa baul o in-archive at hindi inaksyunan ng buong Kamara, kasama ang Secretary General at Speaker ang unang tatlong complaint, itinuring na itong “effectively terminated and dismissed” nang magwakas ang ika-19 Kongreso noong Hunyo 30, 2025.
Kaya naman, labag na sa Konstitusyon ang ika-4 na complaint, bukod sa paglabag nito sa due process sapagkat sa lahat ng paglilitis, kahit pa sa kasong impeachment, kailangan ang due process.
Dahil sa mga paglabag, itinuring na rin ito na “null and void ab initio” o walang saysay mula sa simula.
Nang ibasura ang ika-4 impeachment complaint nang unanimous o 13 na Hukom ng SC, (hindi sumali ang dalawa), karaniwang hindi nababaligtad ang ganitong desisyon, kaya posibleng ibabasura rin ang motion for reconsideration.
Ang masama pa, “immediately executory” o agad na ipatupad ang desisyon, ayon pa sa SC.
Ang masama pa rin, umaabot na sa 19-20 na senador o hukom-senador ang kumikiling sa desisyon ng SC at 4-5 lang ang kumokontra.






