MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maaaring tutukan ng susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ang mga hindi pa nalulutas na isyu kaugnay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Itinuro ni Lacson ang pagkuha ni Bonoan ng isang house and lot sa 30 Tamarind Road, South Forbes, Makati City noong 2023 kung saan sangkot ang kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya II.
Ayon sa senador, marami pa ring kailangang ipaliwanag si Bonoan, kabilang ang tila “pattern” ng maling grid coordinates para sa mga flood control projects sa ulat na isinumite niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“We can focus the next hearing on Bonoan to tackle other issues he can clarify. He is in the country so he can address the issues involving him,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.
Binanggit ni Lacson na nagpakita sina DPWH Undersecretaries Arthur Bisnar at Ricardo Bernabe III ng datos na nagpapakita ng “clear pattern” ng maling grid coordinates. Sinabi niya na ang mataas na bilang ng maling entry—mahigit 86 porsiyento ng mga proyekto—ay nagpapahiwatig na ito ay sinadya at hindi lamang kapabayaan.
Binigyang-diin din niya ang posibilidad na ang maling datos ay maaaring gamitin upang siraan ang website na “Sumbong sa Pangulo,” na naglilista ng mga lokasyon ng flood control projects, o upang pahinain ang kaso laban sa mga umano’y ghost projects.
Nagbabala si Lacson na kung magiging palusot si Bonoan sa pagsagot, maaari siyang masampahan ng contempt at madetene sa Senado. Sinabi rin niya na maaaring imbitahan ng panel si dating Speaker Martin Romualdez o isang kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC) upang ipaliwanag ang pagbili ng Makati property noong 2023.
Ayon sa mga rekord, ang bumili ay ang Golden Pheasant Holdings Corp., na ang pangunahing stockholder ay si Jose Raulito Paras, dating opisyal sa mga kumpanyang konektado kay Romualdez. Sinabi ni Lacson na iimbitahan si Paras upang ipaliwanag ang kanyang kakayahang bilhin ang property na tinatayang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P1 bilyon.
“I am not saying this is enough to implicate the former Speaker. What I am saying is that it will provide leads to investigators because the Senate investigation is not for prosecution but is in aid of legislation. At the same time, we can forward the appropriate evidence to the investigating agencies,” ani Lacson. RNT