
SA bawat halalan, laging may mga kandidatong nangakong lilinisin ang gobyerno. Pero ilan ba talaga ang may pruweba sa gawa at hindi sa salita?
Isa si dating Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mga bihirang politiko na may napatunayan na pagkontra sa katiwalian—at hindi lang ito minsan o dahil uso. Dekada na siyang kilala sa Senado bilang walang takot na bumangga sa ‘pork barrel’ at mga maanomalyang ‘insertion’ sa budget. Hindi niya tinanggap ang sarili niyang “pork”. At kung may hinalang dagdag sa pondo, ibinubuking niya agad.
Para kay Lacson, ang pera ng bayan ay para sa serbisyo, hindi para sa mga bulsa ng ganid at tiwaling politiko.
Pero hindi lang ito tungkol sa pagsita sa anomalya. Panahon na rin daw para gawing moderno ang mga proseso sa gobyerno—sa digitalization, mas mapapabilis ang serbisyo at mawawala ang palakasan at lagayan. Hindi lang ito pabor sa mamamayan, kundi hinikayat din sa mga mamumuhunang magnegosyo, at magbigay ng trabaho.
Hindi rin nakakaligtaan ni Lacson ang maliliit na negosyo o MSMEs. Sila ang bumubuhay sa ekonomiya, pero madalas ay nakakalimutang bigyan ng sapat na suporta. Kaya bahagi ng kanyang adbokasiya ang pagprotekta at pagtulong sa kanila.
Sa dami ng isyung kinakaharap ng bansa, hindi sapat ang pa-cute, pa-like, at pa-viral. Ang kailangan natin ay mga lider na diretsong magsalita, may prinsipyo, at hindi umiiwas sa laban—lalo na kung ang kalaban ay sistemang matagal nang bulok.
Kung pagbibigyan ng panibagong pagkakataon si Ping Lacson sa Senado, asahan natin: hindi siya mananahimik sa harap ng katiwalian. Titindig at lalaban siya—gaya ng dati.