
ALAM ba ninyong nasa 714 ang sunog na naganap sa Metro Manila lamang simula noong Enero 2025 hanggang Marso 29, 2025?
Sa nakalipas na dalawang linggo, sunod-sunod ang mga sunog hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang lugar.
Noong Marso 14, 2025, may 260 bahay ang nasunog sa Pilar, Sorsogon at nasa 300 pamilya ang nawalan ng tahanan.
Halos kasabay nitong natupok ang lumang warehouse sa Scout Madrina, Quezon City.
Noong Marso 17, naabo ang malaking junkshop sa Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City at 2 trak ng basura at isang babaeng nahirapang huminga sa usok.
Marso 20 nang may masunog na bahay sa Brgy. Tejeros, Makati City at 1 ang sugatan.
Sa parehong araw, nasunog din ang isang residential area sa Brgy. Little Baguio, San Juan City.
Sa araw ring ito may nasunog na bahagi ng St.Lukes Hospital compound sa QC.
Marso 21 naman nang nasunog din ang residential area sa Tondo, Manila.
Mag-asawang senior citizen at isang anak nila ang nasawi habang 4 ang nasugatan.
Sa parehong araw, nagkasunog din sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City at 2 ang sugatan.
Nasunog naman sa nasabing araw ang isang restoran sa Lingayen, Pangasinan at may natagpuang nakasaksak na electric fan sa lugar.
March 22, sumikla din ang sunog sa Yanga Street, Brgy. Maysilo, Malabon City at Area 4, Pinalagad, Brgy. Malinta, Valenzuela City.
Nitong Marso 24, may sunog ding naganap sa Brgy. Namayan, Mandaluyong City at 1 ang namatay.
16 PATAY PATAY NAMAN SA SOUTH KOREA
Habang tinitipa natin ito, mga Bro, may 16 na ring patay sa siyam na lugar na nasusunog sa South Korea.
Libo-libo na ang nagbakwit para makaiwas sa kamatayan.
Wala pang paliwanag kung bakit magkakasunod o sabay-sabay ang mga sunog na nagmula sa mga bayan ng Uiseong at Sancheong.
Ngayon libo-libong bumbero at volunteer, gamit ang mga fire truck, helikopter at eroplano bilang mga pamatay sunog.
Naabo sa 15,000 ektarya ang mga temple, kabahayan, pabrika, bilangguan at iba pa.
Sa Japan, may nagaganap ding mga sunog na sumiklab sa iba’t ibang lugar gaya ng Okayama, Imabari and Aso.
Hindi lang kagubatan kundi mga bahay, pabrika at iba pa ang nasunog din at nagmula umano ang sunog sa mga tuyong dahon sa paligid.
LAHAT DAPAT LUMABAN
Magandang obligahin natin ang ating mga sarili na lumahok sa laban sa sunog.
Isa sa mga dapat nating gawin ang manawagan sa barangay at bumbero na magsagawa ng mga seminar sa mga posibleng pagmulan ng sunog at mula rito, masilip natin ang sarili nating mga tahanan at gawa na pinagmumulan ng sunog.
Dapat sasali rin ang mga nakatira sa mga condominium at mga namamasyal sa mall, simbahan at iba pang matataong lugar.
Dapat magkaroon din ng mga praktis kung paano lalaban muna sa sunog at kung paano tatakas kung hindi natin kayang patayin o labanan ang apoy at usok.
At pinakamahalaga, unahing iligtas ang tao sa kamatayan.