
KAA-AMBUSH at kamamatay lang ng mister ng isang election officer sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Sa ulat ni Atty. Mohammad Nabil Mutia, Maguindanao del Norte provincial election supervisor, si Jojo Abo, mister ni Datu Odin Sinsuat municipal election officer Bai Maceda Lidasan Abo ay namatay makaraang ambusin sila habang patungo sa opisina ni Bai Maceda sa Brgy. Dalican.
Ayon sa isang anak ng mag-asawa, wala silang alam na kaaway ng kanyang ama o ng mag-asawa.
Inaalam pa ang dahilan ng pagpatay at malubhang pagkasugat na rin kay Bai Maceda.
Ngunit maaaring malaking dahilan dito ang nalalapit na halalang Mayo 12, 2024.
Kaugnay nito, sasalang na ang mga kapitan o chairman ng barangay, kagawad at miyembro ng Sangguniang Kabataan.
Ito’y makaraan silang payagan ng Commission on Elections na lumahok sa halalan at hindi na non-partisan.
Nasa ilalim ito ng Comelec Minute Resolution 24-1001 batay sa desisyon ng Supreme Court sa kasong Quintos versus Comelec na nagsasabing exempted sila sa Section 261(i) ng Omnibus Election Code.
Pwede ring sasali ang mga nasa ilalim ng job order at contract of service bagama’t hindi sila pwedeng gamitin ng mga politiko sa kanilang pangangampanya at gamit ang mga salapi, gamit, sasakyan at iba pa na pagmamay-ari ng gobyerno.
Tanging ang mga opisyal at empleyado na nasa ilalim ng Civil Service Commission bawal na makilahok sa mga kampanya.
Noon, may mga pinapatay na mga opisyal ng barangay at SK na rin ngunit bihira lang dahil, bawal silang lumahok sa halalan nina mayor pataas.
Ngayong todo-larga na sila sa pangangampanya, sa nasyonal man o lokal na halalan, hindi kaya magkaroon ng medyo marami-raming mamamatay?
Lalo na sa maiinit na lugar na hindi makontrol ng mga awtoridad ang kilos ng mga armadong politiko at kanilang mga armadong supporter.
Ipagdasal na lang natin na maligtas sila sa mga patayan ng mga politiko.