
“NAKABABAD” na naman sa iskandalo at intriga ang Criminal Investigation and Detection Group, dahil sa sentrong papel nito sa pagdakip sa Ninoy Aquino International Airport noong Marso 11, kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Malaki naman ang ating tiwala na malalampasan lahat ito ng ating kaibigan na si CIDG director, PMGen. Nicolas Torre III. “Sanay” na kasing “magmeryenda” ng “intriga” si Torre na malaki ang naitulong sa atin noon sa Presidential Task Force on Media Security.
At sa dami nang “binubuno” ngayong problema ni Director Nick, alam nating hindi niya papayagan na makaladkad na naman ang CIDG sa panibagong intriga.
Ang tinutukoy natin ay ang isang “nilulutong” ‘rape case’ laban sa isang respetadong ‘foreign investor’ sa Subic ng ilang mga hinihinalang korap na mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority na “kasabwat” pa umano ang Piskalya ng Olongapo City at ang ginagawang “panakot” ay ang CIDG!
Naniniwala tayong “respetado” dahil kilalang personal ng mga “bosing” sa Malakanyang!
Ano kaya ang reaksyon dito ni SBMA chairman Eduardo Jose Aliño at Chief State Prosecutor Richard Fadullon na may umaabuso sa ating mga batas at proseso para pagkaperahan ang ‘locators’ dyan sa SBMA?
Aba’y malaking kasiraan ito sa imahe ng SBMA bilang ‘investment center’ ng ating bansa! Malaking kasiraan din ito sa Department of Justice na alam nating ‘allergic’ sa mga piskal na abusado sa kanilang kapangyarihan.
Ang siste, may kabigatan ang tinahing kasinungalingan laban sa nasabing ‘investor/locator’ dahil “menor-de-edad” ang sinasabing biktima.
Naniniwala naman tayo na “isinasabit” lang dito ng pangkat ng mga extortionist ang CIDG. Hanggang ngayon kasi walang “mailutang” na pangalan na ahente ng CIDG na umano’y may ‘custody’ ngayon sa biktima.
Mainam lang na paimbestigahan ang eskandalong ito ni CIDG Director Nick Torre at PG Fadullon.
Aber, hindi pa nga “nakakabawi” ang CIDG at DOJ sa negatibong epekto ng pagkakahuli kay Digong—korap ang sistema ng ating hustisya– may ganito na namang insidente? At respetadong foreign investor pa ang tinarget!
Abangan!