Home NATIONWIDE Lahat ng illegal na istruktura sa Chocolate Hills, alisin – DENR

Lahat ng illegal na istruktura sa Chocolate Hills, alisin – DENR

MANILA, Philippines – Sinabi ni Environment Secretary Antonia Yulo-Loyzaga na dapat alisin na ang lahat ng illegal na istruktura sa Chocolate Hills.

Sa panayam, sinabi ni Loyzaga na nagsagawa sila ng aerial inspection kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Bukod sa Captain’s Peak Garden and Resort na nag-viral sa social media matapos na itayo sa paanan ng burol, nadiskubre rin nila ang iba pang istruktura na illegal na itinayo sa loob ng protected area.

“Sa palagay ko, sa nakita ko, yes po, kailangan, ito yung ginagawa namin ngayon, ang tawag namin ay mitigation approach sa mga gawaing ganito,” ani Loyzaga nang tanungin kung dapat bang i-demolish ang mga istrukturang ito.

“The first one is talagang i-avoid, kailangan nating ma-avoid itong disturbance. Kung hindi man ma-avoid, ma-minimize man, kung hindi ma-minimize kailangan i-remedyo, remedyuhin, kung hindi ma-remedyo kailangan magbayad, ang tawag natin, offset or compensation sa ginawa,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ng opisyal na nakikipag-ugnayan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kina Abalos at Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco para masigurong protektado ang lugar.

Sa joint statement na inisyu ng DENR, DILG at DOT na pirmado nina Loyzaga, Abalos, at Frasco, iginiit ng tatlong opisyal ang kahalagahan ng ‘responsible development’ sa mga protected area.

“The preservation of our natural heritage is paramount,” saad pa sa pahayag.

“Ang daming mga similar na resorts na nakita namin. Meron pa yung isa, itong Sagbayan Peak, tinapyas yung pinaka tuktok ng Chocolate hill upang mailagay ang isang konkreto na plataporma, yun, inaalam namin lahat yan ngayon,” ayon pa kay Loyzaga.

Ang Proclamation No. 1037 na inisyu ni dating Pangulong Fidel Ramos noong Hulyo 1, 1997 ay nagdedeklara sa Chocolate Hills bilang protected area.

Idineklara rin ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang lugar bilang world heritage site.

Ang mga burol na ito na matatagpuan sa mga bayan ng Carmen, Batuan at Sagbayan sa Bohol ay binubuo ng 1,776 burol na magkakapareho ang sukat. RNT/JGC

Previous articleReadership sa mga Pinoy patuloy na bumababa – survey
Next articleLahat ng dokumento, panayam na kailangan sa imbestigasyon, ibibigay ng NFA – DA